Dumalo rito ang mga kalahok mula sa iba’t ibang panig ng India at maging sa ibang bansa, at binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng edukasyon, teknolohiya, at relihiyosong pag-aaral bilang susi sa pagbibigay-lakas.
Pinangunahan ang kumperensiya ni Moulana Haji Muhammad Hussain Abdul Qadir Mirchi, isang mamamayan ng South Africa na may pinagmulan sa India, sino nagpapatakbo ng natatanging paaralan para sa mga may kapansanan sa paningin sa South Africa. Nagbibigay ang institusyong ito ng edukasyon at pagsasanay sa makabagong agham at teknolohiya para sa mga estudyante mula sa higit 35 na mga bansa.
Magkatuwang na inorganisa ang pagtitipon ng Jammu and Kashmir Handicapped Association Srinagar, Madrassa Noorul Quran Maharashtra, at Darul Uloom Noomaniya Banihal. Layunin ng kumperensiya na bigyang-lakas ang halos 70,000 kataong may kapansanan sa paningin sa Jammu at Kashmir sa pamamagitan ng pagsusulong ng edukasyon, pagsasanay, at relihiyosong pag-aaral gamit ang Braille.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Moulana Farid Selia mula sa Madrasa Noorul Quran Maharashtra na ang bilang ng mga taong may kapansanan sa paningin sa Jammu ay tumaas mula 58,000 noong 2011 tungo sa 70,000 sa kasalukuyan.
“Karamihan sa kanila ay nakakulong lamang sa kanilang mga tahanan, walang akses sa edukasyon o trabaho. Dapat lumapit ang mga magulang at iugnay ang kanilang mga anak sa mga institusyong katulad ng Darul Uloom Noomaniya upang bigyan sila ng pagkakataon na umunlad,” sabi niya.
Pinuri ni Moulana Muhammad Sajad Nadvi ng Jamia Riyaz-ul-Soliheen Sopore ang pagsisikap ni Mufti Zulfiqar Ahmad, administrador ng Darul Uloom Noomaniya Banihal, sa pagpapakilala ng edukasyong Braille Quran sa J&K.
Binanggit niya na bagama’t maraming mga institusyon ang tumutulong para sa mga may kapansanan, kakaunti pa lamang ang nagtaguyod ng Quranikong edukasyon sa pamamagitan ng Braille sa Kashmir.
Dumalo rin sa pagtitipon si Muhammad Saqib, isang may kapansanan sa paningin na tagawasto ng Braille Quran mula Bihar na kasalukuyang nag-aaral sa Maharashtra.
Ipinakita niya kung paano binago ng edukasyon ang kanyang buhay sa
pamamagitan ng pagpapamalas ng kakayahan sa mga kagamitang digital, teknolohiya sa impormasyon, at artipisyal na katalinuhan (artificial intelligence). “Pinadali ng AI ang aming buhay, kaya’t nakatayo kami ngayon kasama ng lipunan,” sabi niya.
Sa kanyang talumpati, nanawagan si Mirchi ng pagtutulungan ng pamahalaan at lipunang sibil upang suportahan ang mga may kapansanan sa paningin, na inilarawan niyang isang misyong “mahirap at puno ng hamon.” Sinabi niyang ang pagtulong sa mga bulag ay parehong moral at relihiyosong pananagutan. “Ang utos ni Allah at ng Kanyang Sugo ay dapat nating ibigay ang lahat ng posibleng tulong sa kanila, pribado man o sa pamamagitan ng mga organisasyon, sapagkat nakalimutan na sila ng lipunan,” sabi niya.
Binigyang-diin niya kung paanong nagbukas ang teknolohiya ng impormasyon at artipisyal nakatalinuhan ng bagong mga pagkakataon para sa mga may kapansanan sa paningin, na nagpapadali sa kanilang pamumuhay at nagbibigay-daan upang sila’y makausad nang may dignidad.
Higit sa 100 kataong may kapansanan sa paningin, karamihan mula sa Jammu at Kashmir, ang dumalo sa kumperensiya. Sinabi ni Banihal MLA Haji Sajjad Shaheen, na dumalo rin sa pagtitipon, na labis siyang nahipo sa tapang at kakayahan ng mga kalahok. Inanunsyo niya ang halagang Rs 2 lakh mula sa kanyang pondo para sa pagpapaunlad ng nasasakupan para sa pagbili ng makabagong gamit pang-edukasyon at kagamitan para sa mga estudyanteng may kapansanan sa paningin.
Ipinunto ng ilang mga tagapagsalita na dapat tigilan ng mga magulang ang pagtingin sa mga batang bulag bilang pabigat, at binigyang-diin na sa tamang edukasyon at pagsasanay, maaari silang magtagumpay nang malaki.
Ipinakita ng mga kalahok ang kanilang kakayahang magbasa ng mga aklat sa Braille, gumamit ng mga kompiyuter at mobile phone, at magpatakbo ng makabagong teknolohiya, kabilang ang artipisyal na katalinuhan (artificial intelligence).
Sa kanyang pangwakas na talumpati, nanawagan si Mufti Zulfiqar Ahmad sa mga magulang na bigyan ng kaalaman ang kanilang mga anak hindi lamang sa kaalamang Quraniko kundi pati na rin sa makabagong asignatura katulad ng agham at matematika.
Ito sabi niya ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagbibigay-lakas sa mga taong may kapansanan sa paningin.
Tampok din sa pagtitipon si Irfan Ahmad, isang para-atleta at manlalaro ng cricket mula Pampore, sino kumakatawan sa Jammu at Kashmir sa pambansang mga paligsahan ng cricket para sa mga may kapansanan sa paningin simula pa noong 2015. Ibinahagi niya ang negatibong pananaw sa mga bulag sa buong India at nagpasalamat sa kanyang mga magulang sa kanilang walang kondisyong suporta.
Nagtapos ang kumperensiya sa isang malakas na mensahe na ang mga taong may kapansanan sa paningin ay hindi pabigat kundi isang yaman ng lipunan, na may kakayahang makamit ang kasarinlan at kahusayan sa pamamagitan ng edukasyon at teknolohiya.