Ang South Essex Islamic Centre ay binandalismo noong huling bahagi ng Huwebes ng gabi, kung saan ipininta sa mga pader nito ang pulang mga krus at mga pariralang kagaya ng “Si Kristo ay Hari” at “Ito ang Inglatera.” Ang pag-atake, na isinagawa ilang oras bago ang dasal tuwing Biyernes, ay iniimbestigahan ng Essex Police bilang isang insidente na may kaugnayan sa poot, ayon sa Al Jazeera.
Agad na kumilos ang mga lokal na awtoridad upang tanggalin ang mga guhit at sulat bago pa dumating ang mga mananampalataya, ngunit nag-iwan pa rin ito ng matinding pagkabalisa sa komunidad. Kinondena ni Gavin Callaghan, pinuno ng Konseho ng Basildon, ang mga gumawa nito at tinawag ang insidente bilang “nakakaawang kriminal na kaduwagan” at “sinasadyang pananakot.”
Nagsalita rin ang mga pinunong panrelihiyon laban sa maling paggamit ng Kristiyanong mga simbolo sa pag-atake. Naglabas ng magkasanib na pahayag ang mga obispo sa lugar at tinawag ang bandalismo bilang “nakakahiya at labis na naliligaw ng landas,” habang nagbabala na ang paggamit ng Kristiyanismo upang bigyang-katwiran ang rasismo ay “maling pananampalataya at mapanganib sa moralidad.”
Mariin ding kinondena ni Wajid Akhter, pinuno ng Muslim Council of Britain, ang pag-atake. Sabi niya, “Ang watawat ni San Jorge ay isang sagisag ng Inglatera na dapat nating ipagmalaki. Ang paggamit nito sa ganitong paraan, na kahalintulad ng ginawang pag-atake ng mga Nazi sa mga tahanan ng mga Hudyo, ay isang kahihiyan sa ating watawat at sa ating bansa. Ang pananahimik ay nagbigay-daan upang lumago ang poot.”
Nangyari ang insidente sa gitna ng lumalawak na tensiyon na may kaugnayan sa isang kampanya sa panlipunang media na tinatawag na #OperationRaisetheColours, na humihimok sa pagpapakita ng watawat ni San Jorge sa mga kalsada at pampublikong lugar. Bagama’t inilalarawan ito ng ilan bilang makabayan, ikinabit ng grupong nagmamanman na PAG-ASA (HOPE} hindi poot ang kilusan sa mga tauhan ng malalayong kanan, kabilang ang dating mga kasapi ng English Defence League at Britain First. Sa ilang bayan, sinabayan din ng rasistang mga guhit at xenophobiko na mga parirala ang kampanyang ito.
Nagbabala ang mga tagapagtanggol ng komunidad na ang ganitong mga insidente ay sumasalamin sa mas malawak na kalakaran. Inilarawan ni Shabna Begum, pinuno ng Runnymede Trust, ang bandalismo bilang bahagi ng “nakakatakot na paglakas ng Islamopobiya” na nakaugnay sa retorika ng politika at midya tungkol sa mga mga naghahanap ng asilo.
“Ang karahasang nagaganap sa ating mga lansangan at ang paninira sa mga moske ay produkto ng isang pampolitika at midyang salaysay na walang tigil na nagdemonyo sa mga komunidad ng Muslim,” sabi niya.
Kamakailan ay naiulat din ang kahalintulad na mga kaso sa iba’t ibang bahagi ng Essex, kabilang ang umano’y pang-aabuso batay sa lahi laban sa isang babaeng Muslim at sa kanyang anak, gayundin ang pagpipinta ng mga krus ni San Jorge sa lokal na mga bahay. Nagsalita rin ang ilang residente tungkol sa mga panliligalig mula sa mga panlalait hanggang sa paghahagis ng mga bagay sa mga pamilyang Muslim.
Sa Basildon, hinikayat ng mga pinuno ng moske ang mga mananampalataya na dumalo sa dasal tuwing Biyernes nang sama-sama bilang pagpapakita ng tibay. Mas marami ang dumalo kaysa karaniwan, na nagpapakita ng kanilang determinasyon na tumugon sa pananakot gamit ang pagkakaisa.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya, binibigyang-diin ng mga tagapagkampanya na bukod sa kilalang mga kaso, marami pang pang-aabusong Islamopobiko ang hindi naiuulat. Hinimok ng mga grupong tagapagtanggol ang mas malakas na pakikipag-ugnayan sa apektadong mga komunidad upang matiyak na maramdaman ng mga biktima ang suporta sa kanilang paglabas ng salaysay.