Sa nagdaang mga dekada, nasaksihan natin ang pag-usbong ng mas maraming tematikong mga pagsasalin ng Quran sa wikang Aleman, kung saan ang ilang mga tagapagsalin ay yumakap sa Islam matapos ang mahabang mga panahon ng pag-aaral sa mga talata ng Quran. Ito ay makikita sa kanilang mga salin, na pinagsamang eksaktong leksikal at malalim na panloob na karanasan. Kabilang sa pinakatanyag sa kanila sina Sigrid Hönke at Anna Marie Schimmel.
Sa ganitong konteksto, nakawiwili ang kuwento ni Dr. Alfred Huber. Siya ay nagkaroon ng kakaibang personal na karanasan at lumipat mula sa tuyong akademikong pananaliksik tungo sa isang kapaligiran ng pananampalataya at pagiging malapit sa Banal na Quran. Ang kuwento ni Huber ay hindi lamang kuwento ng isang siyentipiko, kundi isa ring paglalakbay ng isang tao sa iba’t ibang mga relihiyon at mga kontinente sa paghahanap ng katotohanan, hanggang sa dulo ng paglalakbay ay kanyang matagpuan ang isang himala sa wikang Arabik at sa mga talata ng Quran.
Isang Binatang Naghahanap sa Diyos
Ipinanganak si Alfred Huber sa Vienna, kabisera ng Austria, at lumaki sa isang debotong Katolikong Kristiyanong kapaligiran hanggang inihanda siya ng kanyang mga magulang para sa landas ng monastisismo at siya ay naging pari. Ngunit ang binatang ito na ligalig ay hindi lubos na naniwala sa mga nakikita at palaging naghahanap ng katotohanan.
Mula pagkabata, nahumaling siya sa usapin ng pananampalataya, sa pagkakaiba-iba ng mga relihiyon, at sa matitinding pagkakaiba sa pagitan ng mga ito. Palagi niyang itinatanong sa sarili, “Kung lahat ay sumasamba sa Diyos, bakit napakaraming mga pagkakaiba?” Ito ang simula ng kanyang mahabang paglalakbay sa paghahanap kay “Allah”.
Inaalala ang mga araw na iyon, sinabi ni Hubert, “Palagi kong iniisip ang buhay, ang kabilang-buhay, at ang buhay pagkamatay. Ang pagkamausisa kong ito ang nagdala sa akin sa pananaliksik at paglalakbay sa maraming mga bansa sa paghahanap ng kaalaman at katotohanang pantao. Sa pamamagitan ng aking mga pag-aaral, nahulog ang loob ko sa Gitnang Silangan. Naakit ako ng disyerto at namangha sa kagandahan nito. Nangarap akong bumisita sa rehiyong Arab balang araw at manirahan doon.”
Sinimulan ni Huber ang kanyang mga paglalakbay sa edad na 18. Pagkatapos niyang magtapos sa unibersidad, bumiyahe siya patungong Roma, ang kabisera ng Kristiyanismo sa buong mundo, sa kanyang unang paglalakbay.
Sinabi niya, “Pumunta ako sa Vatican dahil ako’y napakarelihiyoso, at nang makita ko ang malalaking mga rebulto, natakot ako sa kanilang anyo, at nakakatakot ang mga titig ng mga rebulto at mga papa. Sinabi ko sa sarili ko: Hindi ito ang mga taong kumakatawan sa Diyos sa lupa, ni hindi sila ang banal na mga lalaking iniisip ng mga teologo.”
Pagkatapos ng Italya, nagpunta si Huber sa Gresya at pagkatapos ay sa Turkey, kung saan naranasan niya ang kanyang unang tunay na pakikipagtagpo sa Islam. Sinabi niya, “Doon ay naranasan ko ang espiritu ng tao, nakangiting mga mukha at napakagandang pagtanggap, at nakatagpo ko ang tunay na Islam kagaya ng nabasa ko tungkol dito. Pagkatapos ay pumunta ako sa Konya at sa libingan ni Jalaluddin Rumi, kung saan naranasan ko ang hindi maipaliwanag na espiritualidad at kapayapaan.
Muling Ipinanganak
Noong unang bahagi ng dekada 1970, sinimulan ni Huber ang kanyang mga paglalakbay patungong Silangan. Naglakbay siya sa Syria at Jordan, at mula roon ay patungo sa Jerusalem al-Quds. Bagaman humanga siya sa banal na mga lugar ng lungsod, katulad ng Simbahan ng Banal na Sepulkro, hindi siya nakadama ng kapanatagan sa kapaligirang pari nito. Ang kanyang pagkahilig sa pagbabasa ng mga tekstong panrelihiyon sa orihinal na wika ay nag-udyok sa kanya na matutunan ang Hebreo, Griyego, Latin, at Sanskrit. Naglakbay siya sa India, kung saan ipinakilala sa kanya ang Budismo. Doon, naranasan niya ang isang sitwasyong malapit sa kamatayan, ngunit iyon ay naging kanyang muling kapanganakan.
Sabi niya, “Isa sa kanilang mga ritwal ay ang pumunta sa ilog upang maligo, katulad ng ginawa ni Buddha. Pumunta ako sa banal na ilog Ganges at inanod ako ng malakas na agos ng tubig at muntik na akong malunod at halos matagpuan ang aking sarili sa ibang mundo. Isang kalagayan ng matinding kapayapaan at katahimikan, sa pagitan ng buhay at kamatayan, ang bumalot sa akin. Nang magising ako, ako ay ganap na hubad, sapagkat inanod ng agos ng tubig ang lahat ng aking damit. Para sa akin, iyon ay isang muling kapanganakan.”
Pagbasag sa mga Estereotipo
Ang malaking pagbabago para kay Huber ay nangyari sa Taj Mahal. “Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin,” sabi niya. “Naramdaman ko ang kapayapaan at kagandahan. Para akong nasa langit. Dito ako nakatiyak na Islam ang pinili ng aking kaluluwa, at nakatiyak ako na hindi Katolisismo o Hinduismo ang relihiyon na nais kong piliin para sa aking sarili. Natiyak ko na Islam ang relihiyon na pinili ng aking kaluluwa.”
Nang tanungin tungkol sa kanyang pananaw sa Islam bago siya magbalik-loob, hayagang inamin ni Huber na hindi siya nagsimula ng kanyang paglalakbay na may ganap na neutral na isipan. “Magsisinungaling ako kung sasabihin kong nagsimula ako ng paglalakbay na ito na walang kinikilingan,” sabi niya. “Ako ay nagmula sa isang Katolikong Uropiano at may baon akong stereotypical na mga imahe ng Islam sa aking isipan.”
“Sa una, nais kong basahin ang Quran upang patunayan sa aking sarili na ito ay isang mahirap at magkakasalungat na teksto, kagaya ng ipinakita ng mga Orientalista bago ko pa. Ngunit laking gulat ko nang matagpuan ko dito ang kamangha-manghang pagkakaugnay, panloob na pagkakaisa, at walang kapantay na lakas sa pananalita. Ang sandaling iyon ang naging simula ng pagbasag sa mga estereotipo na dala-dala ko.” Dagdag pa ni Huber: Ang mga tao sa Kanluran ay madalas na ipinapanganak na may pagkamuhi sa Islam na lalo pang pinapalala ng media, na inuugnay ang Islam sa terorismo, at ng Zionistang propaganda, na alin bumabaluktot sa tamang konsepto tungkol sa relihiyon.
Pag-aaral ng Banal na Wika
Matapos niyang matutunan ang wikang Arabik, natuklasan ni Huber na ang teksto ng Quran ay lubhang naiiba kaysa sa mga salin na kanyang pinag-aralan noon. Iginiit niya na walang anuman ang maituturing na tunay na salin ng Banal na Quran. Sapagkat ang Arabik ay isang banal na wika at ang Quran ay isang banal na teksto na hindi maaaring basahin maliban sa pamamagitan ng sarili nito.
Dagdag niya, “Nang una kong basahin ang Banal na Quran, naibigan ko ito dahil mahal ko ang tula at ako ay dating umaawit. Natagpuan ko ang Banal na Quran bilang isang magandang wika.”
Ang malalim na ugnayang ito sa mga talata ng Quran ang sa huli ay nagdala sa kanya mula sa pagiging tagapanayam sa Al-Azhar University patungo sa pagtatalaga sa kanya ng kagawaran ng Awqaf ng Ehipto upang isalin ang mga konsepto ng Quran, isang proyektong tumagal ng 13 na mga taon.
Pagyakap sa Islam at ang sandali ng pagbabago
Unang inihayag ni Hubert ang kanyang pagyakap sa Islam sa Istanbul noong 1980, sa isang sandaling inilarawan niya bilang isang mapagpasyang yugto. Sabi niya, “Nakikipagtalo ako noon sa isang kaibigan ko, at matapos kaming mag-usap, sinabi niya sa akin, ‘Alfred, Muslim ka. Lahat ng sinasabi mo ay nagpapatunay na ikaw ay isang Muslim.’ Nagulat ako sa kanyang mga salita. Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, ‘Pumunta tayo sa moske.’ At noon ko binigkas ang Shahadah.”
Muli niyang isinapubliko ang kanyang pagyakap sa Islam noong 1981 sa Al-Azhar Grand Mosque, habang nasa Ehipto siya upang magturo ng Aleman, na ikinagalak ng mga mananamba. Iba-iba ang naging reaksyon sa kanyang pagbabalik-loob sa Islam, ngunit ang pinakamahigpit na pagtutol ay mula sa kanyang debotong Katolikong ina. “Nagalit sa akin ang aking ina; sinabi ko sa kanya, ‘Sa iyo ang iyong relihiyon at sa akin ang akin.’ Ang pagyakap ko sa Islam ay bunga ng mahabang paghahanap sa katotohanan,” sabi ni Huber.
Sa kanyang pagsusuri ng Orientalismo sa Alemanya, naniniwala si Huber na anumang pagsasalin ng Quran na hindi nagmumula sa isipan ng isang debotong Muslim ay hindi kailanman magiging katanggap-tanggap na salin, gaano man ito kapanig sa agham. Naniniwala siya na ang pinakamahusay na tagapagsalin ng mga kahulugan ng Quran sa Aleman ay ang makatang Aleman na si Friedrich Ruckert, sino ayon sa kanyang pananaw ay “isang tunay na Muslim.”
Inilarawan ni Huber ang kanyang mahabang paglalakbay bago at pagkatapos ng pagyakap sa Islam: “Maaari kong ibuod ang mahabang paglalakbay na ito sa isang pangungusap: Lumipat ako mula sa kadiliman patungo sa liwanag.”