Sa isang mensaheng binasa sa seremonya ng pagbubukas ng Ika-39 na Pandaigdigang Kumperensiya para sa Pagkakaisang Islamiko sa Tehran, nanawagan ang mataas na kleriko ng praktikal na mga hakbang tungo sa pagkakaisa ng mga Muslim at binigyang-diin ang nagpapatuloy na digmaang may katangiang pagpatay ng lahi sa Gaza bilang isang mahalagang pagsubok para sa mundong Islamiko.
Hinimok niya ang mga iskolar na Muslim na lumampas sa mga pananalita lamang at bumuo ng nagkakaisang hanay sa midya laban sa rehimen ng Israel.
Binati ni Ayatollah Makarem Shirazi ang lahat ng mga Muslim sa pinagpalang anibersaryo ng kapanganakan ni Propeta Muhammad (SKNK), at nagpasalamat sa mga tagapag-ayos at mga kalahok ng “mahalaga at malaking kumperensiya,” at nagpahayag ng pag-asa na ito’y magiging mabisang hakbang patungo sa pagkakalapit, pagkakasundo, at pagkakaisa ng mga Muslim. Binanggit niya ang Banal na Quran: “Mga tao, kayo ay iisang bansa at Ako ang inyong Panginoon, sambahin ninyo Ako,” (Talata 92 ng Surah Al-Anbiya), at inilatag ng kleriko ang isang huwaran para sa pamayanang Muslim, o Ummah. Inilarawan niya ang mga tagasunod ng Propeta (SKNK) bilang yaong “sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, ay tumutulong sa Kanya at, sa pagsunod sa liwanag na nasa kanya, ay nakakamtan ang kaligtasan.”
Idinagdag niya na “Ang mismong mga katangiang iyon ang dapat gawing pundasyon ng kanilang buhay ng Ummah ng Islam.”
Iginiit niya na ang pagkakaisa sa paligid ng mga prinsipyong ito ay maglalapit sa mga puso. “Kung sila’y magtipon sa palibot ng prinsipyong ito, patibayin ang kanilang pananampalataya, tulungan ang Propeta (SKNK) sa lahat ng kanilang makakaya, at gawing huwaran ng kanilang buhay ang relihiyon ng Islam at ang Banal na Quran, ang kanilang mga puso ay magiging malapit sa isa’t isa.”
Tinutukoy ang pagkakaibang mga sekta sa loob ng Islam, binigyang-diin ni Ayatollah Makarem Shirazi ang pagtutok sa mga pagkakapareho. “Alam ninyong lahat, mga minamahal, na ang kalutasan sa mga problema ng mundong Islamiko ay ang pagkakaisa sa paligid ng mga pagkakapareho,” sabi niya.
“Bagama’t may mga pagkakaiba ang mga sektang Islamiko sa ilang mga usapin, ang pagbibigay-diin sa mga prinsipyo at ang paninindigan sa iisang layunin ay nagsisilbing matibay na depensa laban sa mga planong paghahati-hati.”
Nagbigay siya ng tuwirang utos sa mga iskolar ng Islam, na sinabing dapat nilang “maging mapagmatyag at huwag hayaang magkaroon ng alitan at pagkakabahagi sa mga Muslim.”
Tumutukoy sa mga kalupitan ng Israel sa Gaza, sinabi niya, “Sa mahigit dalawang taon, ang pag-atake sa isa sa pinakamahahalagang hanggahan ng mundong Islamiko, ang banal na lungsod ng al-Quds, at ang pagbubuhos ng dugo ng ating mga kapatid na Muslim sa Gaza, ay lumikha ng isang mabigat na pagsubok para sa mundong Islamiko, lalo na para sa mga iskolar nito.”
Tumutukoy sa malubhang kalagayang makatao sa Gaza, sinabi niya, “Ang gutom, uhaw, at pagkubkob ay bumabalot sa buong rehiyon. Araw-araw sa ating harapan, at maging sa buong mundo, ang mga bata ay humihina at ang mga ina ay lalong nanghihina, habang nagpapatuloy ang kabangisan at kalupitan ng rehimeng Zionista.”
“Hindi na lamang ito tungkol sa isang inaaping bansa. Ito ay nagsisilbing sukatan para sa pagsusubok ng konsensiya ng sangkatauhan.”
Tinapos ng kleriko ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng panawagan para sa kongkreto at malinaw na aksiyon, na hinihimok ang mga dumalo sa kumperensiya na lumampas sa simpleng talakayan. “Ang napakahalaga ninyong tungkulin sa kumperensiyang ito ay hindi lamang ang magsalita tungkol sa pagkakaisa, kundi ang maglahad ng praktikal at pangmatagalang mga kalutasan para sa katuparan nito.”
Sinimulan noong Lunes ng umaga sa Tehran ang Ika-39 na Pandaigdigang Kumperensiya para sa Pagkakaisang Islamiko. Dinaluhan ito ng mahigit 210 na mga personalidad mula sa iba’t ibang mga panig ng mundong Islamiko, kabilang ang mga ministro, dakilang mufti, at mataas na mga tagapayo. Tampok sa limang-araw na kumperensiya ang mga talakayan sa lupon, paglulunsad ng mga aklat, at mahigit 200 na mga webinar kasama ang pandaigdigan na mga iskolar.