IQNA

Si Hazrat Zahra ang Ganap na Katawan ng mga Birtud: Isang Kristiyanong Manunulat

12:50 - December 14, 2025
News ID: 3009186
IQNA – Inilarawan ng isang Kristiyanong manunulat mula sa Lebanon si Hazrat Zahra (SA) bilang ganap na sagisag ng mga birtud, at sinabi niyang kinakatawan niya ang haligi ng pananampalataya at dangal ng kababaihan.

Michel Kaadi, a Lebanese Christian thinker, writer, and writer

Isinulat ni Michel Kaadi, isang Kristiyanong pilosopo at manunulat mula sa Lebanon, sa isang bahagi ng kanyang aklat na pinamagatang “Zahra, ang Pinuno ng mga Kababaihan sa Panitikan”:

Sa pagsilang ni Zahra (SA), nagwakas ang patriyarkiya at ang kaugalian ng pagbaon nang buhay sa mga batang babae. Ang pakikibaka ni Zahra upang makamit ang kalayaan ng kababaihan mula sa paniniil ay nagbunga ng tunay na kalayaan ng mga babae. Kinilala ng mga kababaihang Arabo kay Zahra ang marangal na mga katangian katulad ng pagtitiyaga, tapang, kagitingan, kaalaman, kabanalan, kabutihan, at mataas na moralidad.

Nagawa ng banal na babaeng iyon na ilagay ang kababaihan sa mga posisyon ng kapangyarihan na kapantay ng kalalakihan.

Sa pamamagitan ng kanyang marangal na katauhan bilang babae, hindi tinanggap ni Hazrat Zahra (SA) ang pang-aapi at kahihiyan; sa halip, tinanggap niya ang pananagutan at ang mabigat na pasanin ng banal na misyon at ng mga batas ng Islam, at pinanday niya ang haligi ng pananampalataya at dangal ng kababaihan.

Siya ang babaeng kinausap ng mga anghel ng banal na awa na bumaba sa lupa; dahil dito, siya ay tinawag na Umm Abiha, na ang ibig sabihin ay “ina ng Propeta” (SKNK), bago pa man siya naging ina ng mga bituin ng Imamah. Sa kanya nagsimula ang angkan ng Propeta, at siya rin ang naging tanggulan ng relihiyong Islam at ng pulitika ng katotohanan.

Kaya hindi nagkataon lamang na tinawag ng Propeta (SKNK) si Fatima bilang Umm Abiha, na nangangahulugang “ina ng kanyang ama.” At ang mga talatang ito mula sa Banal na Quran ay naglalayo sa Propeta (SKNK) mula sa anumang uri ng di-makatuwirang pananalita:

“Ang inyong kasamahan ay hindi naliligaw ni nagkakamali. Hindi siya nagsasalita ayon sa sariling pagnanasa. Ito ay pawang kapahayagang ipinahayag sa kanya.” (Talata 2–4 ng Surah An-Najm) Sa ganitong diwa, si Zahra ay huwaran para sa kababaihan at kalalakihan at ang unang babaeng gabay at guro, at itinuturing din namin siya bilang unang babaeng manunulat at tagapagsalita.

Tinuruan ni Hazrat Zahra (SA) ang mga kababaihan na ipagtanggol ang kanilang kalinisan at dangal at pigilan silang mahulog sa pita ng kabastusan at labis na pagpapalamuti ng sarili na magdudulot ng pagbagsak ng moralidad, sapagkat ang ganitong masamang mga katangian ay hindi likas sa mga kababaihang Arabo. Itinuring ni Zahra (SA) ang hijab bilang isang espada laban sa paghihimagsik at kasamaan.

Sa pananaw ng Banal na Propeta (SKNK), ang hijab ay nagbibigay sa kababaihan ng kalayaan at panloob na dangal, at marahil ito rin ang nagtutulak sa mga madre sa Kristiyanong mga monasteryo na takpan ang kanilang buhok. Ang hijab ay nangangahulugang kalinisan, proteksiyon, pagsunod sa mga prinsipyong moral, kadalisayan, at gabay. Hindi kataka-takang masabi na sa kasalukuyan, dahil sa katayuan at kadakilaan ni Hazrat Zahra (SA), ang babaeng Muslim ay nangunguna sa moralidad sa buong mundo.

Nang bumaba ang misyon ng propesiya sa Dakilang Propeta (SKNK), ang pagpapakita nito ay nakita rin sa mananampalatayang kalalakihan at kababaihan; sa mga kalalakihan, maaring banggitin si Imam Ali Abi Talib (AS), sino dinala ang Quran sa kanyang puso, kaluluwa, at kaisipan, at sa mga kababaihan naman ay si Fatima Zahra (SA).

Kay Ali (AS), ang kakayahan sa pag-uunawa at pag-iintindi ay pinaging ganap sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at kay Zahra (SA), ang misyong ito ay umabot sa pinakamataas na antas, hanggang sa masasabi nating siya ay walang dudang isang himala.

Kung si Imam Ali (AS) ang himala ng Propeta (SKNK), ang liwanag ng Islam, at ang guro ng Banal na Quran, at kanyang isinaulo at pinaniwalaan ito, kung gayon si Hazrat Zahra (SA) ang pinakamahusay na saksi nito. Binanggit ito ni Jabir bin Abdullah Ansari sa isang banal na hadith: “O Ahmad, kung hindi dahil kay Ali, hindi kita lilikhain, at kung hindi dahil kay Fatima, hindi ko lilikhain kayong dalawa…”

Si Zahra (SA), taglay ang kanyang dakilang mga birtud na hindi niya kailanman iniwan sa buong buhay niya, ay humaharap sa sambayanang ito, sapagkat siya ang ina ng kanyang ama, ang Sugo ng Diyos, at hindi ito nakapagtataka dahil siya ay kabilang sa pamilya ni Propeta Muhammad (SKNK) na ang layunin ay baguhin ang lipunan mula sa kamangmangan at tribalismo.

Si Fatima, ang malinis na ginang na iyon, ay kaibigan at kasama ng kanyang ama mula pa sa pagkabata. Ang kanyang mga pananaw ay malapit sa pananaw ng Propeta, at sa mga panahon ng paghihirap, nang ang Propeta ay dumanas ng pang-aabuso mula sa mga kaaway at mapoot sa misyon, siya ang kanyang naging kasama at tagapag-aliw. Sa maraming pagkakataon, pinunasan niya ng kanyang mga daliri ang pawis sa noo ng Propeta at nanatiling matatag sa kanyang mga paninindigan, at habang may buhay pa siya, ipinagtanggol niya ang banal na liwanag at ang kapakanan ng sambayanang ito at ang kinabukasan ng mga Muslim at ng Islam.

Ang lahat ng ito ay tumuturo sa kadakilaan ni Fatima Zahra (SA), kagaya ng pagtukoy ng Banal na Quran kay Maryam (SA), anak ni Imran, habang siya ay nasa sinapupunan pa ng kanyang ina mahigit dalawang libong mga taon na ang nakalipas. Ang mga talatang binanggit sa Quran tungkol kay Maryam (SA), ang kanilang kahulugan at diwa, ay maaari ring iangkop kay Zahra (SA), kaya naman itinuring siya ng mga tao bilang pamantayan ng marangal na mga katangian at dakilang mga birtud.

 

3495714

captcha