IQNA

Iskolar ng Al-Azhar: Ang Propeta ay Nanatiling Huwaran sa Lahat ng Panahon

18:34 - September 11, 2025
News ID: 3008845
IQNA – Ipinagdiwang ng nakatatandang iskolar ng Al-Azhar na si Dr. Salama Abd Al-Qawi ang kaarawan ni Propeta Muhammad sa pamamagitan ng panawagan na pagnilayan ang pamana ng Propeta at ang mga hamong kinahaharap ng mundong Muslim ngayon.

Al-Azhar Scholar: The Prophet Remains a Model for All Times

Sa kanyang talumpati sa pandaigdigang webinar na inorganisa ng IQNA na pinamagatang “15 na mga Siglo ng Pagsunod sa Sugo ng Liwanag at Awa” noong Martes, hinimok ni Al-Qawi ang mga Muslim na muling balikan ang mga aral ng Quran at ang halimbawa ng Propeta sa panahong tinukoy niya bilang panahon ng mga pagsubok para sa bansang Islam. Sinabi niya na ang pagdiriwang ay dumarating habang ang mundong Muslim ay nagdurusa sa “mga sugat at mga kirot” na walang sapat na suporta o ginhawa.

Nagtaas siya ng isang matalim na tanong: “Kung ang Propeta ng Islam ay nasa piling natin ngayon, ano ang sasabihin natin? Ano ang maipapaliwanag natin sa kanya kung tatanungin niya tayo kung ano ang nagawa natin upang suportahan ang relihiyon at paglingkuran ang mga inaapi?”

Inilarawan ni Al-Qawi si Propeta Muhammad bilang isang ganap na huwaran sa lahat ng mga panahon at mga lugar. “Ipinagkaloob ng Diyos sa Propeta ang lahat ng kinakailangan ng isang ummah—siya ay isang tapat na lingkod ng Diyos, isang matalinong politiko, isang natatanging pinuno sa pamamahala, at isang kumander sa jihad,” sabi niya, habang binanggit ang talata sa Quran: “Katotohanang sa Sugo ng Diyos ay mayroon kayong mabuting halimbawa…” (Quran 33:21).

Pinuna niya ang pagpapaliit sa pamana ng Propeta sa mababaw na anyo ng panlabas na itsura at ritwal. “Marami ang naglalarawan sa Propeta bilang isang asetikong tao lamang at nililimitahan ang kanyang imahe sa panlabas na gawain kagaya ng pananamit o kaugalian. Hindi nila pinapansin ang kanyang papel sa pagtatatag ng pamahalaan, katarungan, at pagkakaisa,” sabi niya.

Si Al-Qawi ay nagdalamhati rin tungkol sa pagkakabahagi sa loob ng pamayanang Muslim at sa papel ng ilang mga pinuno at mga kleriko, na kanyang inakusahan ng pagtataksil at maling paggamit ng relihiyon. Binalaan niya laban sa paglalagay ng mensahe ng Propeta sa pangseremonya lamang na pagsasagawa, at binigyang-diin ang pangangailangang ipatupad ang kanyang halimbawa sa pamamahala, katarungang panlipunan, at pagkakaisa ng sambayanan.

Sa pagsipi ng mga talata sa Quran na nananawagan ng pagkakaisa, hinimok niya ang mga Muslim na “mahigpit na kumapit sa lubid ng Diyos” at tanggihan ang alitan. Idinagdag niya na ang huwaran ng Propeta ay dapat magbigay-inspirasyon sa mga mananampalataya na palakasin ang kanilang mga pamayanan at lumaban sa pang-aapi.

Nagtapos siya sa panalangin na nawa’y mamuhay ang mga Muslim ayon sa gabay ng Propeta sa lahat ng mga aspeto ng buhay. “Ikinararangal naming ipagtanggol ang kanyang mensahe, ngunit hindi ito maisasakatuparan maliban kung susundin natin ang kanyang mga gawa at mga salita lampas sa panlabas na anyo, at isasabuhay ang mga ito,” sabi niya.

 

3494555

captcha