
Ayon sa Hadith na ito, sinabi ni Kumayl Bin Ziyad kay Imam Ali: “O Pinuno ng mga Mananampalataya! Maaaring magkasala ang isang tao at pagkatapos ay humingi ng kapatawaran. Ano ang hangganan ng paghihingi ng kapatawaran?” Sumagot si Imam Ali (AS): “O anak ni Ziyad! Ito ay pagsisisi.” Nagtanong si Kumayl: “Iyon lang ba?” Tugon ng Imam: “Hindi.” Tinanong muli ni Kumayl: “Kung ganoon, paano ito?”
Sumagot ang Imam: “Kapag ang isang tao ay nagkasala, dapat niyang sabihin, ‘Humihingi ako ng kapatawaran kay Allah,’ at dapat siyang kumilos.” Nagtanong si Kumayl: “Ano ang ibig sabihin ng kumilos?” Tugon ng Imam: “Gumalaw ang kanyang mga labi at dila nang may layuning sundan ito ng katotohanan.” Nagtanong si Kumayl: “Ano ang katotohanan?” Sagot ng Imam: “Taos-pusong pagsisisi at matibay na pagpapasyang hindi na ulitin ang kasalanang pinagsisisihan.”
Nagtanong si Kumayl: “Kung sakaling gawin ko iyon, mapapatawad ba ako?” Sagot ng Imam: “Hindi.” Nagtanong si Kumayl: “Bakit hindi?” Sabi ng Imam: “Dahil hindi mo pa naaabot ang ugat nito.” Nagtanong si Kumayl: “Kung ganon, ano ang ugat ng paghingi ng kapatawaran?”
Sumagot ang Imam: “Ito ay ang pagbalik sa tunay na pagsisisi mula sa kasalanang iyong pinagsisihan (at ito ang unang antas ng mga tapat) at ang pagtalikod sa kasalanan. Ang Istighfar ay may anim na mga kahulugan: Una, pagsisisi sa mga nagawang pagkakamali. Pangalawa, matatag na pagpapasyang hindi na muling gagawin ang kasalanan. Pangatlo, pagbabayad sa karapatan ng bawat nilalang na may utang ka. Pang-apat, pagtupad sa lahat ng tungkuling itinakda ng Allah. Panglima, bawasan ang laman na tumubo sa iyong katawan sa pamamagitan ng mga ipinagbabawal na paraan hanggang ang iyong balat ay dumikit sa iyong mga buto, at pagkatapos ay hayaang tumubo ang bagong laman na malinis. At pang-anim, lasapin ng iyong katawan ang kirot ng pagpapasakop katulad ng pinatikim mo rito ang tamis ng kasalanan. Sa kahulugang ito, ang paghahanap ng kapatawaran ay kaakibat ng pagsisisi; ngunit katulad ng sinabi ng Imam (AS), ang diwa at katotohanan ng paghihingi ng kapatawaran ay ang taos-pusong pagsisisi-sapagkat hangga’t hindi nagsisisi nang lubos ang isang tao, hindi niya tunay na mahihingi ang kapatawaran ng Makapangyarihang Panginoon.”
Katulad ng sinabi ni Imam Reza (AS): “Sinumang humihingi ng kapatawaran sa pamamagitan lamang ng dila ngunit hindi nagsisisi, ay nanunuya lamang sa kanyang sarili.”