
Muling ipinahayag ng Malaysia at Pakistan ang kanilang matatag na hangarin na patatagin ang pagkakaisa ng mga bansang Muslim at pangalagaan ang pandaigdigan na mga pagpapahalaga ng Islam, habang nananawagan ng agarang pandaigdigang pagkilos upang wakasan ang mga kalupitan sa Gaza at labanan ang dumaraming galit laban sa mga Muslim.
Ang pangakong ito ay nakasaad sa isang pinagsamang pahayag na inilabas matapos ang pag-uusap nina Punong Ministro ng Malaysia Datuk Seri Anwar Ibrahim at ng kaniyang katapat sa Pakistan na si Muhammad Shehbaz Sharif noong Lunes. Parehong binigyang-diin ng dalawang mga lider ang pangangailangan ng mapayapang paglutas ng pandaigdigang mga tunggalian alinsunod sa batas na pandaigdigan at kaukulang mga panukala ng United Nations (UN).
Ayon sa Bernama, tinalakay ng dalawang mga lider sa kanilang pagpupulong ang pangunahing mga isyung heopolitikal, kabilang ang mga digmaan sa Kanlurang Asya at ang krisis pantao sa Estado ng Rakhine sa Myanmar na nakaapekto sa mga Muslim na Rohingya.
Ayon sa pinagsamang pahayag, “Mariing kinondena ng dalawang pinuno ang patuloy na pagpatay sa Gaza at muling tiniyak ang kanilang buong suporta sa karapatan ng mga mamamayang Palestino na magtakda ng kanilang kapalaran at magtatag ng isang malaya, buo, at nagsasariling estado ng Palestine batay sa mga hangganang bago ang Hunyo 1967, na may Al-Quds Al-Sharif bilang kabisera nito.”
Nanawagan din sila ng “agad-agad, walang kondisyon, at permanenteng tigil-putukan,” ang pagtanggal ng pagbangkulong sa Gaza, at ang walang hadlang na paghahatid ng tulong pantao sa mga sibilyan. Pinuri rin ng dalawang punong ministro ang mga kasalukuyang inisyatibong pandaigdig na layuning makamit ang ganap na pagkilala sa estado ng Palestino.
Magkasamang kinondena nina Anwar at Shehbaz ang lahat ng mga anyo ng Islamopobiya, xenopobiya (takot o galit sa mga banyaga), at kawalang-tiis sa relihiyon, at nanawagan sa pandaigdigang komunidad na gumawa ng kongkretong hakbang laban sa mga pahayag ng poot at diskriminasyong nakatuon sa mga Muslim.
Muling ipinahayag ng dalawa ang kanilang suporta sa kaukulang mga resolusyon ng UN, kabilang ang Human Rights Council Resolutions 16/18 at 53/1, na nagtataguyod ng pagtitiis at paggalang sa pagitan ng iba’t ibang mga pananampalataya at mga kultura.
Malugod ding tinanggap ng mga pinuno ang pagpapatibay ng UN General Assembly Resolutions 76/254 at 78/264 na kumikilala sa Marso 15 bilang Pandaigdigang Araw Laban sa Islamopobiya.