Binanggit ito ni Ahmad Abolqassemi sa isang panayam at idinagdag na ang mga kalahok sa ganitong mga paligsahan ay nakapaghahanda at nakapagtatamo rin ng kinakailangang karanasan upang makibahagi sa pandaigdigang mga kaganapang Quraniko.
Ang unang edisyon ng paligsahang Quran na Zayen al-Aswat ay ginanap sa banal na lungsod ng Qom noong Oktubre 1–2, 2025.
Mahigit 1,600 na mga kalahok mula sa lahat ng 31 na mga lalawigan ang nagparehistro, at 94 sa kanila ang nakarating sa huling yugto. Ang mga kalahok, na may edad 14 hanggang 24, ay nagpaligsahan sa iba’t ibang mga anyo ng pagbasa ng Quran sa ilalim ng pangangasiwa ng pandaigdigan na mga hurado.
Ang paligsahan, na may temang “Quran, ang Aklat ng Matapat,” ay inorganisa ng Sentro ng mga Gawaing Quraniko ng Al al-Bayt Institute sa tulong ng iba’t ibang kultural at Quranikong organisasyon.
Lahat ng mga pagbasa ay naitala at ipalalabas sa mga plataporma ng media ng institusyon.
Sa panayam, inilarawan ni Abolqassemi ang paligsahan bilang isang mahalagang simula tungo sa paglikha ng rebolusyon sa larangan ng mga paligsahang Quraniko, at itinuring itong isang hakbang sa pagpapalaganap ng dalisay na kultura ng Quran.
“Upang umunlad, kailangan ng lipunan ang mga huwaran at mga kampeon sino hinubog sa larangan ng makatarungang paligsahan. Ang mga paligsahan kagaya ng Zayen al-Aswat ay nagbibigay ng pambihirang pagkakataon upang matukoy at maipakilala sa lipunan ang natatanging mga talento.”
Sinabi niya na “sa ating bansa, ang mga tagapagbigkas ng Quran ay hindi lubos na nagagamit ayon sa kanilang mga kakayahan. Ang ganitong kalagayan ay maaaring magpababa ng motibasyon ng mga taong piniling tahakin ang mahirap na landas na ito. Kailangan ng isang tagapagbigkas ng maraming pagkakataon upang maipakita ang kaniyang kakayahan upang mapanatili ang kaniyang sigla at patuloy na pagsisikap.”
Idinagdag niya, “Sa kasamaang-palad, nasasaksihan natin na sa maraming pampubliko at pribadong mga pagtitipon, hindi nagagamit ang kakaibang kakayahan ng pagbasa ng Quran upang lumikha ng espiritwal at makabuluhang kapaligiran. Gayunman, ipinakita ng mga karanasan na sa bawat pagtitipon kung saan ang pagbasa ng Quran ay binigyan ng tamang halaga, ito ay buong siglang tinatanggap ng mga tagapakinig.
“Natural lamang na kapag hindi ibinigay ang ganitong pagkakataon sa isang qari, bumababa ang kaniyang motibasyon at pag-asa.”
Itinuring niya ang paligsahang Zayen al-Aswat bilang isang mahalagang kalutasan upang mapunan ang kakulangang ito. Sinabi niya, “Ang paligsahang ito ay nagbibigay ng motibasyon at layunin sa kabataan at nagsisilbing tumpak na sukatan sa pagsusuri ng kanilang personal na pag-unlad. Bukod pa rito, nakapaghahanda at nagkakaroon din sila ng karanasan para makilahok sa pandaigdigang mga patimpalak.”
Ayon kay Abolqassemi, ang natatanging katangian ng Zayen al-Aswat ay ito ay pinamamahalaan ng pribadong sektor.
“Dahil dito, nagkakaroon ng kinakailangang kalayaan at tapang ang kalihiman ng paligsahan upang magsagawa ng isang malaking kaganapang Quraniko nang hindi nalilimitahan ng tradisyonal na mga istruktura, at upang makapagdisenyo ng ganap na bago at malikhaing mga modelo at mga pormat para sa paligsahan.”
Sabi niya, may potensiyal ang ganitong pamamaraan na lubos na mapabuti at mabago ang kalidad ng mga paligsahan. “Mayroon kaming tiyak na mga mungkahi upang maisakatuparan ang pananaw na ito, at umaasa kami sa tulong ng kaugnay na mga institusyon, masaksihan natin ang ganap na pagkakatatag ng mahalagang kaganapang ito sa kalendaryo ng mga gawaing Quraniko ng bansa.”
Binigyang-diin din niya ang papel ng midya sa pagpapalaganap ng ganitong mga kaganapan at sinabi, “Kung maipapakita ng midya ang tunay na diwa ng Quranikong mga pagsisikap sa pamamagitan ng sining, damdamin, at kaalaman, tiyak na lalong tataas ang motibasyon ng kabataan upang tahakin ang landas na ito.”
“Ang malawak na pagpapalabas ng midya, buhay na mga pagbrodkast ng mga pagbasa, at ang paggawa ng maiikling mga dokumentaryo tungkol sa buhay ng batang mga tagapagbigkas ay maaaring mag-iwan ng pangmatagalang epekto sa isipan ng lipunan at magdala sa Quran mula sa limitadong mga lupon patungo sa mga puso ng mga tao.”