Daan-daang libong maka-Palestino na mga nagprotesta ang nagmartsa sa kabisera ng Britanya noong Sabado, ipinapahayag ang kanilang pag-aalinlangan at maingat na pag-asa habang pumapasok sa ikalawang araw ang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza.
“Pinag-iisa namin ang aming sarili sa pag-asa at kaginhawaan ng mga Palestino,” sabi ni Ben Jamal, direktor ng Palestine Solidarity Campaign, na alin nagsasagawa ng malalaking buwanang pagtitipon ng mga maka-Palestino sa London mula nang magsimula ang paglusob ng rehimeng Israel sa Gaza noong Oktubre 7, 2023. “Ngunit nandito rin kami dala ang kanilang pangamba na ang tigil-putukan na ito ay hindi magtatagal, batay sa kaalaman na nilabag na ng Israel ang bawat kasunduang tigil-putukan na nilagdaan nito,” sabi ni Jamal sa ahensiyang balita ng AFP noong Sabado.
Sa kabila ng mga pangamba tungkol sa iminungkahing plano ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos upang tapusin ang digmaan sa Gaza — na alin nananawagan ng isang pansamantalang awtoridad na siya rin ang mamumuno — sinabi ni Jamal na mayroong “matinding pakiramdam ng kaginhawaan.”
Isang dagat ng pula at berde, ang mga kulay ng watawat ng Palestino, ang bumuo sa tabing-Ilog ng Thames sa gitnang London kung saan nagsimula ang mapayapang martsa. Ang mga nagprotesta ay nagsuot ng itim at puting keffiyeh, nagdala ng mga plakard na may nakasulat na “Stop Starving Gaza” (Itigil ang Pagkagutom sa Gaza) at “Itigil ang Pagpatay ng Lahi”, at sabay-sabay na sumigaw ng “Free Palestine” (Kalayaan sa Palestine) at “From the river to the sea, Palestine will be free” (Mula sa ilog hanggang sa dagat, magiging malaya ang Palestine).
Inalis ng mga pulis ang ilang maka-Israel na mga nagprotesta mula sa karamihan ng tao.
Ayon kay Rory Challands ng Al Jazeera, na nag-ulat mula sa pagtitipon sa London, “walang tigil sa mga demonstrasyon sa UK na nagpapahayag ng pakikiisa sa Palestine.” Dagdag pa niya, habang 32 ganitong mga protesta na ang naganap, ang naganap noong Sabado ay “napakalaki” dahil dumating ang mga nagprotesta mula sa iba’t ibang mga panig ng bansa.
Ang mga tao ay bumiyahe patungong kabisera sakay ng mga bus at mga tren mula sa mga lungsod katulad ng Bristol, Cambridge, at Sheffield.
Ayon kay Challands, lalo pang pinahihirap ng pamahalaan ng UK ang
pagsasagawa ng mga maka-Palestine na mga demonstrasyon at nais nitong bigyan ng mas malaking kapangyarihan ang mga pulis upang higpitan ang ganitong mga pagtitipon.
Noong nakaraang katapusan ng linggo, inaresto ng mga pulis sa London ang hindi bababa sa 442 katao sa isang pagtitipon na sumusuporta sa ipinagbabawal na grupong Palestine Action sa gitnang London.
Ang dalawang taong digmaan ng Israel laban sa Gaza ay pumatay ng mahigit 67,000 katao, ayon sa mga awtoridad sa kalusugan ng Palestine, at nagdulot ng isang makataong krisis. Noong nakaraang buwan, idineklara ang kondisyon ng taggutom sa ilang mga bahagi ng sa nilusob na teritoryo, at inakusahan ng isang komisyon ng UN ang Israel ng pagsasagawa ng pagpatay ng lahi sa Gaza.
Sinabi ni Challands na nagdududa ang mga tao na tatagal nang matagal ang kasalukuyang tigil-putukan.
“Nag-aalala sila sa pagpupursige ni Pangulong Donald Trump,” sabi niya. Si Katrina Scales, isang 23-taong-gulang na estudyante ng sosyolohiya at sikolohiya na dumalo sa pagtitipon, ay nagsabi na ang tigil-putukan ay “hindi sapat” at balak pa rin niyang dumalo sa susunod na mga martsa. “Narito ako kasama ang aking mga kaibigan upang ipakita na patuloy na nakatuon ang mga mata sa Gaza, kahit pa may kasalukuyang tigil-putukan,” sabi niya.
Sinabi ni Steve Headley, isang unyonista na nasa edad 50, na hindi rin siya kumbinsido.
“Sana ito na ang unang hakbang tungo sa kapayapaan, ngunit naranasan na natin ito noon,” sabi ni Headley sa AFP. Kinuwestiyon din niya ang “plano ni Trump para sa isang ‘Riviera’ sa Gaza” na ipinagyabang ng pangulo ng US ngayong taon.
Para kay Miranda Finch, 74 taong gulang, na bahagi ng grupong nagmartsa sa ilalim ng bandilang “mga inapo ng mga nakaligtas sa Holocaust laban sa pagpatay ng lahi sa Gaza,” ang tigil-putukan ay “napakaliit.” “Hindi bumabalik ang mga Palestino sa wala. Bumabalik sila sa mas masahol pa sa wala — mga guho sa ibabaw ng mga bangkay sa ibabaw ng dumi.”
Sinabi ni Fabio Capogreco, 42 taong gulang, sino dumalo sa kanyang ikalimang demonstrasyon kasama ang kanyang asawa at dalawang anak, na ang tigil-putukan ay “huli na at kulang pa,” at idinagdag na kailangang managot ang mga taong sangkot sa digmaan.
“Sana ito na ang isa sa mga huling beses na kailangan pa naming pumunta rito upang magprotesta,” sabi ng tagapamahala ng bar. “Ngunit sa tingin ko, masyado pang maaga para sabihing maayos na ang lahat.”
May mga protesta ring nakatakdang ganapin noong Sabado sa iba pang mga lungsod sa Uropa, kabilang ang Berlin. Isang martsa rin ang inaasahan sa Linggo sa Sydney, Australia, kung saan napuno ng mga maka-Palestine na mga demonstrasyon ang mga kalsada nitong nakaraang mga linggo.