IQNA

Pagtutulungan sa Banal na Quran/1 Ano ang Sinasabi ng Quran Tungkol sa Kooperasyon at Sama-samang Pagkilos

20:03 - October 14, 2025
News ID: 3008959
IQNA – Inutusan ng Islam ang mga tagasunod nito na magtulungan sa paggawa ng mabubuting gawa, at kapag ang mga indibidwal ay nagtipon at nagkaroon ng ugnayang panlipunan, ang diwa ng pagkakaisa ay humihinga sa kanilang ugnayan, na nagiging dahilan upang sila ay mailayo sa pagkakahati-hati at hindi pagkakaunawaan.

Cooperation in Islam

Kung mananaig ang diwa ng pagtutulungan sa mga kasapi ng lipunan, nabubuo ang matibay na pundasyon para sa materyal at espiritwal na pag-unlad ng lipunang iyon. Ang pagtutulungan at pakikipagtulungan ay nagiging angkop na daan tungo sa kabuuang pag-unlad, pag-angat, at pag-usbong ng lipunan. Kaya naman, mas pinahahalagahan ng Islam ang gawaing sama-sama kaysa sa gawaing mag-isa, sapagkat ang sama-samang paggawa ay mas matatag at mapagkakatiwalaan, at ang pagsasama-sama ng lakas ng bawat isa ay nagbibigay ng matinding puwersang nagpapadali sa anumang mahirap na gawain.

Sinabi ng Banal na Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan): “Ang sinumang nagigising sa umaga at hindi iniintindi ang kalagayan ng ibang mga Muslim ay hindi isang tunay na Muslim, at ang sinumang makarinig ng sigaw ng isang Muslim na humihingi ng tulong ngunit hindi tumugon ay hindi rin isang Muslim.”

Ang aktibo at taos-pusong pagtulong at pakikilahok sa mabuti at kapaki-pakinabang na gawaing panlipunan ay mahalaga at tungkulin ng bawat mananampalataya. Ang sinumang hindi nakikibahagi o walang malasakit sa pag-unlad ng lipunang Muslim, o maging sa gawain ng isang kapwa Muslim, at iniisip lamang ang kanyang sarili, ay hindi maituturing na isang tunay na Muslim.

Halimbawa, isa sa mga problemang matagal nang kinakaharap ng lipunan ay ang matinding agwat sa pagitan ng mga uri ng tao — hinati nito ang lipunan sa dalawang mga pangkat: ang ilan ay salat at mahirap, walang kakayahang tugunan ang pangunahing nga pangangailangan katulad ng pagkain, tirahan, at pananamit; habang ang iba naman ay lubhang mayaman at lubog sa karangyaan na hindi na nila mabantayan ang dami ng kanilang yaman at mga ari-arian.

Ang isang matuwid na lipunang nakabatay sa makadiyos at makataong mga pagpapahalaga ay yaong kung saan lahat ng mga kasapi, sa kabila ng kanilang pagkakaiba at kanya-kanyang kakayahan, ay nakikinabang sa mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos. Sa ganitong lipunan, nangingibabaw ang malasakit at pagtutulungan, sapagkat ang layunin ng buhay panlipunan ay ang pagtutulungan ng bawat isa upang mapadali ang pag-abot sa ganap na kabutihan at pagiging ganap.

Siyempre, may malawak na plano ang Islam upang maalis ang ganitong agwat sa lipunan, katulad ng pagbabawal sa pagpapautang na may tubo (usury), pagbabayad ng mga buwis ayon sa batas Islamiko, at paghikayat sa pagbibigay ng kawanggawa, mga kaloob, pautang na may kabutihan, at iba’t ibang uri ng tulong-pinansyal. Ngunit isa sa pinakamabisang mga kalutasan ay ang pagtutulungan at pag-aambagan upang matugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap.

Ipapaliwanag sa mga susunod na bahagi ang konsepto ng Ta’avon (pagtutulungan) at ang kahalagahan nito, gayundin ang mga batayang kaisipan tungkol sa kooperasyon at pagtulong ayon sa Quran at Hadith.

  

3494983

captcha