
Ayon sa website ng balitang Arabik na Alkompis, ang pananaliksik—na isinagawa ng University of Gothenburg—ay sinuri ang mga karanasan ng mga estudyanteng Muslim na nagsabing nakaranas sila ng diskriminasyon sa mga paaralang nasa sentro ng lungsod. Sinubaybayan ng pag-aaral ang mga estudyante sa isang paaralan sa labas ng lungsod ng Gothenburg sa loob ng apat na mga termino ng akademikong taon.
Sinabi ni Christopher Ali Thorén, isang mananaliksik sa larangan ng edukasyon na nanguna sa pag-aaral, sa Swedish Television (SVT) na layunin ng kanilang proyekto na bigyang-diin ang mga karanasan ng mga estudyanteng Muslim. “Karamihan sa mga pananaliksik tungkol sa pagpili ng paaralan ay hindi isinasaalang-alang ang relihiyon bilang isang salik na nakaaapekto sa mga desisyon ng estudyante. Kailangang mabago iyon,” sabi niya.
Ipinaliwanag ni Thorén, sino isa ring Muslim, na marami sa mga kalahok ang mas nakaramdam ng pagtanggap mula sa mga guro at kaklase sa mga paaralang nasa labas ng lungsod. “Sinabi ng mga estudyanteng aking nakapanayam na mas madalas silang makaranas ng diskriminasyon at poot sa mga paaralang nasa loob ng lungsod,” dagdag pa niya.
Naniniwala siya na ang pagpapalakas ng pakiramdam ng pag-aari ng mga estudyanteng Muslim ay nagsisimula sa pagkilala sa mga aspeto ng kanilang pananampalataya sa loob ng paaralan. “Ang simpleng mga hakbang tulad ng pagbibigay ng tahimik na lugar para sa pagdarasal o pagkilala sa mga kapistahang Islamiko ay makatutulong upang makalikha ng mas inklusibong kapaligiran,” sabi ni Thorén.
• Sweden: Babaeng Muslim Nakakuha ng Kabayaran Matapos Utusan ng Doktor na Alisin ang Kanyang Hijab
Bagaman itinatadhana ng batas sa Sweden na ang edukasyon ay dapat manatiling sekular, binigyang-diin ni Thorén na hindi ito nangangahulugang dapat ganap na alisin ang relihiyon sa buhay ng paaralan.
“Ang mga paaralan ay ipinagdiriwang na ang mga kapistahang Kristiyano kagaya ng Pasko at Mahal na Araw, at minsan ay hinihiling na makilahok dito ang mga estudyanteng Muslim,” sabi niya. “Hindi ko sinasabing dapat itigil ang mga ito, kundi dagdagan ng mga aktibidad na nagtataguyod ng pagkakaunawaan.”
Sa kasalukuyan, nasa pagpapasya ng mga punong-guro ng paaralan kung papayagan ang mga gawaing panrelihiyon gaya ng pagdarasal sa oras ng klase—isang patakarang itinuturing ni Thorén na may problema.
Hinimok niya ang mga awtoridad ng munisipalidad ng Gothenburg na akuin ang responsibilidad at maglabas ng malinaw na mga patakaran tungkol sa pag-aayuno at pagdarasal, sa pagsasabing “ang kasalukuyang kalabuan ay nagdudulot ng hindi kailangang mga alitan sa mga paaralan.”