IQNA

Vehbi Ismail Haki; Tagapanguna sa Paglalathala ng Kaalamang Quraniko sa Wikang Albaniano

2:32 - November 18, 2025
News ID: 3009092
IQNA – Si Vehbi Ismail Haki, isang kilalang Albaniano na manunulat at pilosopo, ay nagkaroon ng mahalagang papel sa pagpapakilala ng kulturang Quraniko at Islamiko sa kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng kanyang maraming mga akdang isinulat sa Arabik, Ingles, at Albaniano.

Vehbi Ismail Haki, a famous 20th-centruy Albanian writer and thinker

Ayon sa ulat ng Muslimsaroundtheworld, ang Albania ay isang bansang Muslim sa timog-silangan ng kontinente ng Uropa at katabi nito ang Greece, Serbia, at Macedonia. Ang kabisera nito ay Tirana at 70 porsyento ng populasyon ng bansa ay Muslim.

May iba’t ibang mga pananaw tungkol sa pagdating ng Islam sa rehiyong ito. Naniniwala ang ilan na unang nakilala ng Albania ang Islam sa pamamagitan ng mga negosyanteng Iraniano bago pa man sakupin ng Ottoman ang mga Balkan. Habang naglalakbay at nagdadala ng kanilang mga paninda, nagkaroon sila ng malapit na ugnayan sa mga tao at inanyayahan sila sa paniniwalang Islamiko nang walang pamimilit. Dahil dito, kinilala ng mga tao ang Islam bilang relihiyon ng pagpaparaya at tinanggap nila ito—at ito ang unang pagdating ng Islam sa bansa.

May isa pang pananaw na nakilala ng mga Albaniano ang Islam sa pamamagitan ng mga Arabong Siciliano, lalo na sa rehiyon ng Lega sa Albania. Ipinapakita ng mga ebidensiyang arkeolohikal ang impluwensiyang Arabo-Islamiko ng Sicily mga siglo bago dumating ang mga Ottoman, at mayroon pa ring mga nayon sa rehiyon na may pangalang Arabik—patunay na nanirahan doon ang mga Arabong Muslim. Pagdating ng mga Ottoman sa mga Balkan, mabilis na kumalat ang Islam sa buong bansa at napakaraming tao ang yumakap sa relihiyon.

Nakapagluwal ang Albania ng dakilang mga iskolar ng Islam na nag-ambag nang malaki sa pagpapalaganap at pagpapatuloy ng kulturang Islamiko. Isa sa tanyag na mga iskolar na ito ay si Vehbi Ismail Haki.

Ipinanganak si Vehbi Ismail noong 1919 sa lungsod ng Shkodra sa hilagang Albania, isa sa pinakamatandang mga lungsod sa bansa na may higit sa dalawang libong taong kasaysayan. Sa mahabang pananakop ng Ottoman (1479–1912), naging sentro ng kulturang Islamiko ang Shkodra habang kumakalat ang Islam sa buong hilagang Albania. Maraming kilalang mga personalidad sa larangan ng agham at edukasyong Islamiko ang nagmula sa lungsod na ito.

 

Vehbi Ismail Haki, Ang Tagapagmana ng Kanyang Ama

Ipinanganak si Vehbi Ismail sa isang panahong napakahalaga para sa kapalaran ng lungsod. Dumaan ang lungsod sa malalaking kaguluhang politikal habang nagaganap ang kawalan ng katiyakan at pabago-bagong okupasyon noong Unang Digmaang Pandaigdig. Ang ama ni Vehbi Ismail, si Haki, ay isang kilalang imam sa lungsod at isang marunong na tao na may napakayamang aklatan na may libo-libong mga aklat sa Arabik, Ottoman, at Persiano. Ang mga tula ng kanyang ama, na sinulat sa alpabetong Albaniano, ay pagpapatuloy ng yaman ng kulturang umunlad sa bansa sa loob ng maraming mga siglo, at malaki ang naging impluwensiya nito sa pagpapalaki kay Vehbi Ismail.

Ang paglipat ni Vehbi Ismail sa Cairo ay sumabay sa pagbabago ng patutunguhan ng pag-aaral ng mga Albaniano, mula Istanbul patungong Cairo, simula noong 1923 nang maitatag ang “Pamayanang Muslim na Albaniano” sa Ehipto. Kinatawan ng institusyong ito ang mga Muslim sa bansa at, matapos humiwalay sa konseho ng mga Matatandang Muslim ng Istanbul, sila ang namahala sa mga gawaing panrelihiyon at pangkultura.

Nagtapos siya sa Al-Azhar noong tag-init ng 1945. Gayunman, hindi siya nakabalik sa kanyang bayan dahil sinakop ito ng rehimeng komunista na hindi nagbigay ng puwang sa mga taong may paniniwalang panrelihiyon. Dahil dito, napagpasyahan niyang gawin ang Ehipto bilang kanyang pangalawang tahanan.

Sa mga panahong iyon, lubos siyang naugnay sa kulturang Arabiko at nakipagtulungan sa mahahalagang Arabong magasin katulad ng Al-Thaqafah, Al-Risalah, at Al-Hilal, na nagtatampok ng mga bantog na manunulat ng ika-20 siglo katulad nina Taha Hussein, Abbas Mahmoud Al-Akkad, Abdul Qader Al-Muzaini, Ahmed Amin, Ahmed Zaki, Mikhail Naimi, Mahmoud Timur, Yusuf Al-Seba'i, Bint Al-Shati, at iba pa. Kaibigan niya ang karamihan sa mga manunulat na ito.

Bukod dito, ang pananatili niya sa Cairo sa kasagsagan ng damdaming Arabiko bago ang digmaan noong 1948 at ang kanyang ugnayan sa kilalang mga personalidad katulad ni Ahmed Helmy Abdel Baqi, pinuno ng “Pangkalahatang Pamahalaan ng Palestine,” ang nagbigay-inspirasyon sa kanyang kuwentong “Sa Larangan ng Jihad,” na inilathala sa magasin na Al-Risala noong Pebrero 1949, ilang linggo bago siya umalis patungong Albania. Tumatalakay ang kuwento sa pakikilahok ng mga Albaniano at Bosniano sa digmaan sa Palestine noong 1948.

 

Pagpapakilala ng Kulturang Albaniano sa Mundo

Inilathala niya ang kanyang unang koleksyon ng maiikling mga kuwento, “Ang Ginintuang Duyan,” noong 1948. Tungkol sa aklat na iyon, sinabi niya: “Nangibabaw sa akin ang pagmamahal sa pagsusulat at handa akong tahakin ang landas na ito; kaya sumulat ako ng mga kuwentong naglalarawan ng mga tradisyon at mga kaugalian ng minamahal kong bayan, ang Albania.”

Noong 1949, lumipat si Vehbi Ismail sa Estados Unidos sa paanyaya ng presidente ng Albanian Muslim American Association, na itinatag sa Detroit, Michigan, noong 1945. Nangangailangan ang samahan ng isang Albaniano na imam, nagtapos mula sa isang kilalang unibersidad, na kayang magturo ng mga aral ng relihiyon sa wikang Albaniano para sa mga manggagawa at mga bata. Isa si Vehbi Ismail sa mga kandidato, lalo na dahil marunong din siya ng Ingles. Doon, tumulong siya sa pagtatatag ng unang moske at sentrong pangkultura.

Sa yugtong ito, lumitaw ang iba’t ibang mga aspeto ng paglilingkod ni Vehbi Ismail. Nakilala siya bilang imam, manunulat ng mga akdang panrelihiyon, manunulat ng maiikling mga kuwento, nobelista, at tagasalin mula Arabik patungong Albaniano. Naglathala rin siya ng isang tatluhang-buwan na magasin, nagtayo ng isang tahanan sa paglalathala at aklatan, at nagsimulang ilathala ang kanyang mga akda sa wikang Albanian. Nakibahagi rin siya sa pagsasalin ng ilang akdang pampanitikan mula Arabic tungong Albaniano, tulad ng dulang “Ang mga Kasama ng Yungib” ni Tawfiq al-Hakim at iba pang mga akda. Matapos tangkilikin ang dulang iyon, ipinagpatuloy ni Ismail ang kanyang gawain at isinalin ang dulang “Muhammad (SKNK); Propeta ng Sangkatauhan” ni Tawfiq al-Hakim, na inilathala sa Detroit noong 1987.

Inilathala rin niya ang aklat na “Bilal, Muezzin ng Propeta (SKNK)” noong 1988 at “Salman al-Farsi, Tagapaghanap ng Katotohanan” noong 1989.

 

Ang Hamon ng Pagsasalin ng Quran sa Wikang Albaniano

Matapos ang mayamang karanasang ito sa pagsasalin mula Arabik patungong Albaniano at pabalik, napagpasyahan ni Vehbi Ismail na harapin ang hamon ng pagsasalin ng Banal na Quran sa wikang Albaniano. Sa loob ng maraming mga siglo ng paglaganap ng Islam sa Albania, umiwas ang mga iskolar na Muslim sa bansa sa pagsasalin ng Quran. Naniniwala sila na mahalagang matutunan at basahin ang Quran sa wikang Arabik, kahit man lamang para sa pang-araw-araw na mga pagdarasal.

Gayunpaman, matapos ideklara ang kalayaan ng Albania noong 1912—bunga ng pagsisikap ng kilusang makabayan na nagbuklod sa mga Muslim at mga Kristiyano at nagtaguyod ng kulturang pambansa—isa sa mga pinuno nito, si I. Qafzi, ang nagsimulang magsalin ng Quran mula Ingles patungo sa Albaniano. Inilathala niya ang unang bahagi noong 1921, bilang isang mahalagang sangkap ng kultura para sa karamihan ng Albaniano (mga Muslim), isang sanggunian na dapat makilala ng lahat.

Mula sa ikatlong isyu ng magasin na “Albaniano na Buhay Muslim” noong 1950, sinimulan ni Vehbi Ismail ang paglathala ng ilang Surah ng Quran (Al-Fatiha, Al-Baqarah, Al-Hujurat, Al-Furqan, at iba pa), na mainit na tinanggap. Pagkatapos ay napagdesisyunan niyang isalin ang buong Quran—na kanyang natapos. Nang matapos ang pag-type ng buong salin, naglakbay siya sa ilang mga bansang Arabo upang mangalap ng pondo para sa pagpapalimbag ng aklat. Ngunit sa kanyang paglalakbay, nawala ang bag na kinalalagyan ng buong salin. Naghintay siya nang ilang mga buwan, umaasang maibabalik iyon, ngunit nabigo siya.

Sinabi ni Vehbi Ismail sa kanyang kaibigang si Fathi Mehdiu, sino interesado ring magsalin ng Quran, na dahil sa kanyang katandaan ay hindi niya na kayang gumawa ng panibagong salin. Dahil dito, nagkaroon si Mehdiu ng pagkakataong matapos ang matagal na niyang pinapangarap. Abala si Mehdiu sa pagsasalin ng Quran sa Albaniano sa ilalim ng komunistang Yugoslavia—samantalang sa komunistang Albania, ang pagkakaroon ng kopya ng Quran sa isang bahay ay maaaring maghatid sa may-ari nito sa bilangguan—hanggang sa mailathala niya noong 1985 sa Pristina ang aklat na Pagsasalin ng Banal na Quran sa Albaniano, ang kauna-unahang ganap na pagsasalin ng Quran mula Arabik patungong Albaniano.

Si Vehbi Ismail, sino lubos na nasiyahan sa pagsasaling ito, ay nagtaguyod nito sa Estados Unidos at Canada. Ipinakilala rin niya ang salin na ito sa Unang Pandaigdigang Simposyum sa mga Pagsasalin ng Quran, na ginanap sa Istanbul noong 1986.

 

3495397

captcha