
“Kami sa Hezbollah ay sinasamantala ang pagkakataon ng inyong pinagpalang pagbisita sa aming bansa, Lebanon, upang muling pagtibayin mula sa amin ang aming paninindigan sa mapayapang pakikipamuhay,” ayon sa mensahe ng Hezbollah sa papa, na inilathala sa mga tsanel ng panlipunang midya ng grupo nitong Sabado.
Muling ipinahayag ng grupo ang kanilang dedikasyon sa pagsuporta sa hukbong Taga-Lebanon at sa bansa sa pagharap sa anumang pagsalakay laban sa o pananakop ng kanilang lupain. Binanggit ng kilusan ng paglaban na ang ginagawa ng Israel “sa Lebanon ay hindi matatanggap na patuloy na pagsalakay.”
“Nananalig kami sa paninindigan ng inyong kabanalan sa pagtutol sa kawalang-katarungan at pagsalakay nararanasan ng aming bansang Lebanon sa kamay ng mga mananakop na Zionista at ng kanilang mga tagasuporta,” dagdag pa ng pahayag.
Dumating ang pahayag kasabay ng nakatakdang pagbisita ni Papa Leo XIV sa Lebanon ngayong katapusang linggo. Iniulat na makikipagpulong siya sa mga sibiko at relihiyosong mga awtoridad, bibisita sa mga moske at sinaunang mga simbahan, mananalangin sa daungan ng Beirut bilang pag-alala sa mga biktima ng pagsabog noong 2020, at magkakaroon ng pribadong pagpupulong kay Pangulong Joseph Aoun.
Magtatanim din ang Santo Papa ng isang sedro (cedar) sa palasyo ng pangulo sa Beirut, at mananalangin sa puntod ni San Charbel at sa harap ng estatwa ng Mahal na Birhen ng Lebanon.
Sa isang talumpati noong Biyernes, tinanggap ng Kalihim-Heneral ng Hezbollah na si Sheikh Naim Qassem ang nalalapit na pagbisita ni Papa Leo XIV sa Lebanon. Binanggit niyang may mga miyembro ng grupo na naatasang maghatid ng isang liham sa papa, na ilalathala rin sa publiko sa pamamagitan ng midya.
Binigyang-diin niya na ang kanilang grupo ay sumunod sa kasunduang tigil-putukan na itinatag noong Nobyembre 2024, at nanawagan ng pagtigil sa patuloy na pag-atake ng Israel sa bansa.
“Tinanggap namin ang pagbisitang ito sa napakahalagang sandali, at idinadalangin namin na makatulong ang Santo Papa sa pagpapalaganap ng kapayapaan sa Lebanon, sa paglaya nito, sa pagtatapos ng pagsalakay ng Israel, at sa pagtindig kasama nito at ng mga inaapi, kagaya ng nakasanayan na naming ginagawa niya,” binigyang-diin ni Sheikh Qassem.
Ang Israel at ang kilusang paglaban na Hezbollah ay nakarating sa kasunduang tigil-putukan na nagkabisa noong Nobyembre 27, 2024. Sa ilalim ng kasunduan, kinakailangang ganap na umatras ang Tel Aviv mula sa teritoryo ng Lebanon, ngunit nanatili itong may puwersang nakapuwesto sa limang mga lugar, na malinaw na paglabag sa UN Security Council Resolution 1701 at sa mga probisyon ng kasunduan noong nakaraang Nobyembre.
Mula nang ipatupad ang tigil-putukan, paulit-ulit nang nilabag ng Israel ang kasunduan sa pamamagitan ng magkakasunod na pag-atake sa teritoryo ng Lebanon.
Nagbabala ang mga awtoridad ng Lebanon na ang paglabag ng rehimen ng Israel sa tigil-putukan ay nagbabanta sa pambansang katatagan.