IQNA

Eid al-Adha: Mula sa Tradisyong Abrahamiko Hanggang sa mga Ritwal ng mga Muslim sa Kasalukuyan

2:08 - May 28, 2026
News ID: 3009649
IQNA – Ang Eid al-Adha, isa sa pinakadakilang mga pagdiriwang sa Islam, ay paalala ng makasaysayang kuwento ng pananampalataya, pagpapasakop, at pagsasakripisyo, kung saan si Propeta Abraham (AS) ay naging simbolo ng paglilingkod at pagsunod sa isang banal na pagsubok.

Hajj pilgrims

Ang pangyayaring ito ay ipinagdiriwang hanggang sa kasalukuyan sa mga ritwal ng Hajj at sa kulturang Muslim bilang isang pagdiriwang na puno ng espiritwalidad at pagkakaisa ng lipunan.

Ang mga ritwal ng Hajj sa Islam ay binubuo ng mga gawaing pagsamba at simbolikong mga gawain na bawat isa ay may malalim na kasaysayan at kahulugan.

Kabilang sa mga ritwal na ito, may natatanging lugar ang Mina at ang Qurbani (pagsasakripisyo ng hayop).

Ang Mina ay hindi lamang isa sa pangunahing mga himpilan ng Hajj, kundi sa tradisyong Islamiko ay kilala rin ito bilang lugar kung saan isinasagawa ang ilan sa pinakamahahalagang mga gawain matapos ang Wuquf (pananatili) sa Arafat.

Ang Qurbani ay isa rin sa pinakamahalagang mga ritwal ng Hajj na nagpapaalala sa kuwento nina Propeta Abraham (AS) at Ismael (AS) at sa konsepto ng pagpapasakop sa banal na utos.

Ang pagsusuri sa kasaysayan ng Mina at ng pagsasakripisyo ay nagpapakilala sa atin sa ugnayan ng sinaunang mga tradisyong Arabo, sa pag-unlad ng mga ritwal matapos ang Islam, at sa panrelihiyon at panlipunang kahulugan ng gawaing ito.

 

Ang Mina sa kasaysayan ng Arabia

Ang Mina ay isang rehiyon malapit sa Mekka na matagal nang mahalaga tuwing panahon ng Hajj.

Noong panahon bago ang Islam, pumupunta ang mga Arabo sa mga lugar sa paligid ng Mekka upang magsagawa ng ilang pana-panahong mga ritwal, at ang Mina ay isa sa kilalang mga himpilang ito.

Gayunpaman, noong panahong iyon, ang mga gawaing panrelihiyon ng mga Arabo ay nahalo sa mga paniniwalang tribo, pagsamba sa diyus-diyosan, at lokal na mga tradisyon.

Dahil dito, ang Mina ay hindi pa nagkaroon noon ng iisang matatag na kahulugang panrelihiyon katulad ng mayroon ito ngayon, ngunit kinilala ito bilang bahagi ng ritwal na heograpiya ng Mekka.

Sa pagdating ng Islam, nagkaroon ang Mina ng opisyal na lugar sa bagong istruktura ng mga ritwal ng Hajj.

Sa mga tekstong Islamiko, kinilala ang Mina bilang lugar kung saan isinasagawa ang pagbato sa Jamarat, pananatili ng mga peregrino sa mga araw ng Tashreeq, at lugar ng pagsasakripisyo.

Dahil dito, ang lugar na ito ay nagbago mula sa isang pana-panahon at tradisyunal na espasyo tungo sa isang malinaw na bahagi ng pagsambang Islamiko.

 

Pagsasakripisyo sa mga tradisyong bago ang Islam

Bago dumating ang Islam, kilala na sa mga tribong Arabo ang pagkatay at pagsasakripisyo ng mga hayop. Madalas itong ginagawa upang palugdan ang mga diyus-diyosan, tuparin ang mga panata at mga pangangailangan, at isagawa ang mga ritwal ng tribo at pana-panahon.

Ngunit ang mga gawaing ito ay walang iisang estruktura ng monoteistikong pagsamba. Ang lugar ng pagsasakripisyo ay nagkakaiba rin depende sa tribo, templo, o partikular na ritwal.

Sa pananaw na ito, hindi inalis ng Islam ang pagsasakripisyo kundi binago ang kahulugan at direksyon nito: mula sa isang hiwa-hiwalay at minsang politeistikong ritwal, ito ay naging isang monoteistiko at sistematikong gawain.

 

Ang pagsasakripisyo sa Islam at ang kaugnayan nito kay Propeta Abraham

Sa Islam, ang pagsasakripisyo ay may ugat sa kuwento ni Abraham (AS).

Ayon sa salaysay ng Quran, inutusan si Abraham na ialay ang kanyang anak, ngunit sa sandali ng pagsubok, tinanggap ng Diyos ang sakripisyo at pinalitan ito ng isang dakilang paghahain. Ang salaysay na ito ang espiritwal na pundasyon ng pagsasakripisyo sa Hajj.

Kaya naman, ang pagsasakripisyo sa Islam ay hindi lamang pagpatay ng hayop; ito ay simbolo ng pagsunod sa utos ng Diyos, paglaya mula sa makamundong pagnanasa, pag-aalay ng sarili at pagpapasakop, pagkakaisa ng lipunan, at pagtulong sa mga nangangailangan.

Sa batas Islamiko, ang karne mula sa inihandog na hayop ay karaniwang hinahati para sa may-ari ng alay, mga kamag-anak, at mga nangangailangan, na alin nagpapakita ng panlipunang aspeto ng ritwal.

 

Ang lugar ng Mina sa mga ritwal ng Hajj matapos ang Islam

Matapos isagawa ang Wukuf sa Arafat at Mash’ar, pumupunta ang mga peregrino sa Mina. Doon ginagawa ang pagbato sa Jamarat, ang pagsasakripisyo, at doon din nila ginugugol ang bahagi ng mga araw ng Tashreeq.

Sa buong kasaysayan ng Islam, ang rehiyong ito ay nanatiling isa sa pinakamahalagang bahagi ng Hajj. Habang lumalaki ang populasyong Muslim, nagkaroon ng praktikal na mga pagbabago sa paraan ng pagsasakripisyo, ngunit nanatili ang pangunahing prinsipyo nito.

Sa makabagong panahon, ang pagkatay ng iniaalay na mga hayop ay isinasagawa sa organisadong paraan at sa mga partikular na katayan sa paligid ng Mina o sa ilalim ng mga alituntuning pangkalinisan at administratibo upang mapanatili ang kaayusan ng seremonya at maiwasan ang mga suliraning pangkalusugan.

 

Makasaysayan at panlipunang larangan ng obligasyon ng pagsasakripisyo

Bukod sa relihiyosong aspeto, ang pagsasakripisyo sa Hajj ay mayroon ding makasaysayan at panlipunang larangan.

Sa sinaunang lipunang Arabo, ang pagkatay ng hayop ay tanda ng mabuting pagtanggap sa bisita, kapangyarihan ng tribo, at minsan ay isang panatang panrelihiyon. Binigyan ito ng Islam ng bagong direksyon sa pamamagitan ng pag-uugnay nito sa katarungang panlipunan at pag-alaala sa Diyos.

Sa pananaw na ito, ang pagsasakripisyo sa Mina ay tanda ng katapatan sa tradisyong Abrahamiko, paalala ng paglipat mula sa politeismo tungo sa monoteismo, at paraan ng sama-samang pakikibahagi sa pagsamba at pagpapakain sa mga nangangailangan.

Ang Eid al-Adha, na alin ipinagdiriwang taun-taon tuwing ika-10 ng Dhul Hajjah, ay nakaugat sa isang salaysay na kinikilala sa mga relihiyong banal bilang isa sa pinakamahalagang pagsubok ng pananampalataya.

Ginugunita nito ang kahandaan ni Propeta Abraham (AS) na isagawa ang banal na utos at ang kanyang ganap na pagpapasakop sa Diyos; isang salaysay na naging walang hanggang simbolo ng awa at pagsunod nang palitan ng Diyos ang sakripisyo.

Ang pagsasakripisyo ng hayop ay isa sa mahahalagang mga ritwal na isinasagawa ng mga peregrino sa panahon ng Hajj.

Ang pagsasakripisyo ay tumutukoy sa proseso ng pagkatay sa itinalagang mga hayop na ihahandog, na karaniwang kinabibilangan ng mga tupa, mga baka, at mga kambing.

Karaniwang isinasagawa ang pagsasakripisyo ng hayop tuwing Eid al-Adha at bahagi ito ng mga ritwal ng Hajj.

Ang pagsasakripisyo ay itinuturing na pagpapahayag ng debosyon at pagsunod sa Diyos, sapagkat iniaalay ng peregrino ang hayop bilang panata o bilang pagpapakita ng pasasalamat at pagpapahalaga sa Diyos.

Matapos katayin ang inialay na hayop, ang karne nito ay ipinamamahagi sa mga mahihirap, nangangailangan, mga kamag-anak, at mga kaibigan at ibinabahagi rin sa mga peregrino.

Ang gawaing ito ay itinuturing na isang pagkakawanggawa at pagpapakita ng pagkakaisa ng lipunan sa panahon ng Hajj.

Sa mga katuruang Islamiko, kasabay ng Eid al-Adha ang rurok ng mga ritwal ng Hajj sa Mekka at itinuturing itong espesyal na araw para sa mga Muslim sa buong mundo upang mapalapit sa Diyos, tumulong sa mga nangangailangan, at patibayin ang ugnayang panlipunan.

Ang pagsasakripisyo ng hayop, mga pagdarasal sa Eid, pagdalaw sa pamilya, at pag-aalaga sa mga kapus-palad ay ilan sa pinakamahalagang mga pagpapakita ng araw na ito.

Sa buong kasaysayan, ang Eid na ito ay hindi lamang nanatiling isang relihiyosong okasyon kundi naging bahagi rin ng kultura at pagkakakilanlan ng mga lipunang Islamiko. Sa iba’t ibang mga bansa, ipinagdiriwang ito ng mga Muslim sa magkakaibang mga kaugalian at mga tradisyon, ngunit iisa ang pangunahing mensahe nito saanman: pananampalataya, sakripisyo, at malasakit.

Sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang mahalagang lugar ng Eid al-Adha sa mga Muslim, at sa kabila ng pagbabago ng pamumuhay at kalagayang panlipunan, buhay at makabuluhan pa rin ang espiritwal at panlipunang mensahe nito.

 

3497620

captcha