
Sa isang pananaw na artikulo para sa The Guardian bilang tugon sa mga pahayag ni Senador Pauline Hanson, sinabi ni Aftab Malik na ang pampublikong talakayan tungkol sa Islam sa Australia ay madalas na hinuhubog ng malawak na paglalahat at emosyonal na pananalita sa halip na batay sa masusing pagsusuri ng mga katotohanan.
Binanggit ni Hanson ang talambuhay ng taga-Britanya na manunulat na si Ed Husain bilang bahagi ng kanyang mga alalahanin tungkol sa Islam sa Australia. Sinabi ni Malik na ang ganitong mga sanggunian, bagama’t bahagi ng lehitimong pampublikong talakayan, ay hindi dapat gamitin upang gumawa ng konklusyon tungkol sa buong komunidad ng mga Muslim.
Iginiit niya na ang pagtingin sa Islam sa pamamagitan lamang ng mga hiwalay na halimbawa ng ekstremismo ay maaaring magtago sa tunay na karanasan ng mga Muslim sa Australia, na ang karamihan, ayon sa kanya, ay tumatanggi sa karahasan at ekstremismo. “Ang problema ay kapag napunta na ang usapan sa Islam at mga Muslim sa Australia, ang mga katotohanan ang madalas na unang nabibiktima.” sabi ni Malik.
Sinabi niya na ang mga terminong madalas gamitin sa pampublikong diskurso, kabilang ang “radikal na Islam” at mga pahayag tungkol sa banta sa lipunang Kanluranin, ay maaaring kulang sa tiyak na pagsusuri at sa halip ay nagpapalakas ng naratibong naglalarawan sa mga Muslim bilang pangunahing isyung panseguridad.
Binanggit ni Malik na ang pananaw ng publiko ay madalas nahuhubog ng piling pagbibigay-pansin sa bihirang mga insidente ng mga indibidwal na nag-aangking may relihiyosong katwiran sa kanilang mga aksyon, at ang ganitong mga indibidwal ay dapat ituring bilang mga kriminal na ang kilos ay hindi kumakatawan sa Islam o sa mga komunidad ng Muslim.
Idinagdag din ng sugo na maraming panlipunan at personal na mga salik, kabilang ang pag-iisa at personal na hinaing, ang maaaring mag-ambag sa radikalisasyon, at hindi ito maaaring ipaliwanag lamang sa pamamagitan ng relihiyosong pagkakakilalan.
Sinabi ni Malik na patuloy na nakararanas ng diskriminasyon, salita na pang-aabuso, at poot ang mga Muslim sa Australia, lalo na ang mga kababaihang nagsusuot ng hayagang relihiyosong kasuotan, at binanggit niya ang mga ulat ng paninira at pagbabanta sa mga moske at mga institusyong Islamiko. “Ang mga karanasang ito ay bahagi ng dokumentadong realidad ng maraming mga Australyano,” sabi niya, at idinagdag na ang pagwawalang-bahala rito ay maaaring magdulot pa ng mas malawak na marginalisasyon.
Habang kinikilala ang kahalagahan ng kalayaan sa pananalita, sinabi ni Malik na may pananagutan din ang pampublikong mga personalidad sa epekto ng kanilang mga pahayag, lalo na kapag nakaaapekto ito sa mga komunidad ng minorya.
Nanawagan siya ng mas malalim na pakikisalamuha sa pagitan ng pampublikong mga personalidad at mga komunidad ng Muslim, kabilang ang pagbisita sa mga moske at pakikipagdayalogo sa karaniwang mga Australyano, at iginiit na ang ganitong ugnayan ay makatutulong upang mabago ang mga maling akala.
Ayon sa kanya, ang hamon ng Australia ay hindi kung kaya nitong talakayin ang ekstremismo o pambansang seguridad, kundi kung magagawa ba nitong gawin ito nang hindi nagge-generalize laban sa buong relihiyosong komunidad.