
Ang Rohingya ay isang pangkat-etnolingguwistiko ng mga Indo-Aryano na karamihan ay Muslim, at naninirahan sa Estado ng Rakhine sa kanlurang Myanmar. Tinatayang 1.4 milyong Rohingya ang nanirahan sa Myanmar bago ang pagpatay ng lahi noong 2017, kung saan higit sa 740,000 sa kanila ang tumakas patungong Bangladesh.
Bago ang 1989, kilala ang estado bilang Arakan, ang makasaysayang pangalan ng rehiyon na nakahimlay sa hilagang-silangang baybayin ng Look ng Bengal at kinabibilangan ng kasalukuyang Bangladesh. Noong 1988, pinalitan ng pamahalaang militar ang pangalan ng lalawigan, sinadyang gamitin ang pangalang Rakhine—isang grupong etniko na karamihan ay Budhista—bilang bahagi ng pagsisikap na ihiwalay ang Myanmar mula sa kalapit nitong bansang karamihan ay Muslim. Bahagi ito ng isang rasistang proyekto ng pagtatatag ng bansa at isa pang hakbang sa mahabang kasaysayan ng pagtatangka na burahin ang mga Rohingya sa kasaysayan at lipunan ng Myanmar.
Isang Planadong Pagtatangka na Burahin ang mga Rohingya
Mula nang makuha ng unang pamahalaang militar ang kapangyarihan noong 1962, sistematikong ipinagkait sa mga Rohingya ang kanilang mga karapatang sibil at pampulitika, sa dahilang hindi raw sila tunay na Burmese kundi mga mamamayang Bangladeshi at ilegal na imigrante sa Myanmar. Nahirapan silang makamit ang edukasyon, imprastraktura, pangangalagang pangkalusugan, at kaunlarang pang-ekonomiya—mga bagay na sinadyang ipagkait sa kanila. Ang unang alon ng marahas na pag-uusig ay nagtulak sa daan-daang libong Rohingya na tumakas patungong Bangladesh noong 1978, kung saan karamihan ay pinayagang makabalik sa pamamagitan ng kasunduang pinamagitan ng United Nations.
Ngunit noong 1982, ipinasa ang Batas sa Nasyonalidad ng Burma na nilimitahan ang pagkamamamayan sa mga “pambansang lahi” lamang na tahasang binanggit sa batas—na hindi kasama ang mga Rohingya—na nagdulot upang sila’y maging mga walang estado. Nagpatuloy ang karahasan ng estado laban sa mga Rohingya noong 1991–1992, at lalo pang tumindi mula 2012 pataas, sa pinakamalawak at sistematikong pagtatangka upang lipulin ang populasyong Muslim ng Myanmar, na humantong sa tinaguriang “krisis ng Rohingya” noong 2015. Kinilala ito ng Tanggapan ng United Nations High Commissioner for Human Rights bilang “pagpatay ng lahi” at isang “krimen laban sa sangkatauhan.”
Ilang mga iskolar, mga analista, at mga personalidad sa politika—kabilang si Obispo Desmond Tutu, isang Nagwagi ng Nobel at kilalang aktibista laban sa aparteid sa South Africa—ay inihambing ang kalagayan ng mga Rohingya sa Myanmar sa aparteid. Ang pinakahuling malawakang pagpapatapon sa mga Rohingya noong 2017 ay nagtulak sa International Criminal Court na imbestigahan ang mga krimen laban sa sangkatauhan at sa International Court of Justice na ituring ang kaso bilang pagpatay ng lahi.
Pagbuo ng Isang Pamantayang Sistema ng Pagsulat sa Rohingya
Ang wikang Rohingya ay malapit na kaugnay ng Chittagong Bengali na sinasalita sa silangang Bangladesh, at bahagyang kaugnay ng Pamayanang Bengali. Dahil karamihan sa mga Rohingya ay naninirahan sa mga kanayunan at may limitadong ugnayan sa lipunan, ginagamit nila ang kanilang wika sa pasalitang paraan kaysa sa nakasulat. Sa panahon ng kolonyalismo, ang mga nakasulat na komunikasyon ay karaniwang nasa Ingles o Urdu, at pagkatapos ng kalayaan, sa wikang Burmese.
Kapag isinusulat ang Rohingya, isang hindi pamantayang bersyon ng Perso-Arabik iskrip ang ginagamit, at ito ang ginamit noong 1975 upang imungkahi ang isang pamantayang paraan ng pagsulat ng Rohingya. Noong 1985, isang iskolar at guro ng Islam na si Muhammad Hanif ang bumuo ng isang hiwalay na sistema ng pagsulat na may inspirasyon mula sa Arabik, na tinawag niyang Hanif Rohingya iskrip. Noong 1999 naman, iminungkahi ang isang bersyon ng Latin iskrip na sadyang idinisenyo para sa pagsulat ng Rohingya.
Ang pagkakasama ng Hanif iskrip sa Unicode standard noong 2018 ay isang malaking tagumpay para sa mga Rohingya na matagal nang lumalaban sa pagbura ng kanilang kultura. Noong 2019, nagkaroon din ng birtuwal keyboard para sa Hanif iskrip at gumawa ang Google ng sariling font para sa wikang Rohingya. Mahalaga ring tandaan na nalikha lamang ang Hanif iskrip dahil nanirahan si Hanif sa Bangladesh noong ito’y binubuo, sapagkat ipinagbabawal ang paggamit ng nakasulat na wikang Rohingya sa Myanmar. Dahil sa tangkang ito ng pagbubura ng kanilang wika, nagpasya si Hanif na ipaglaban ito.
“Kung ang isang mamamayan ay walang sariling nakasulat na wika, mas madali para sa iba na sabihing hindi ka umiiral bilang isang pangkat-etniko—at mas madali silang supilin,” sabi niya.
Dahil karamihan sa mga Rohingya na naninirahan sa Myanmar at sa mga kampo ng mga taong-takas ay walang akses sa pormal na edukasyon, marami sa kanila ang tumatalima na lamang sa pangunahing mga turo ng Islam. Gayunman, kakaunti lamang ang umaabot sa mas mataas na antas ng kaalaman sa relihiyon, at hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataon na umusbong ang isang maunlad na tradisyong intelektwal. Sa ganitong lipunan, lalong nagiging mahalaga ang papel ng mga salin ng Quran sa pagpapanatili ng mga kulturang nanganganib na mawala.
Proyekto ng Pagsasalin ng Quran para sa mga Rohingya
Sa ganitong mga kalagayan, layunin ng Proyekto sa Pagsasalin ng Quran ng Rohingya na punan ang kakulangan ng kaalaman tungkol sa Islam at labanan ang pagsupil sa wikang Rohingya. Ang proyekto ay pinasimulan ni Qutub Shah, isang Rohingya na kasalukuyang kumukuha ng PhD sa Mga Relihiyong Pangkumpara sa Pandaigdigang Islamikong Unibersidad ng Malaysia.
Nakipagtulungan siya sa Dakwah Corner Bookstore, isang tagapaglathala ng mga misyong Islamiko na nakabase sa Petaling Jaya, isang subdibisyon ng Kuala Lumpur na dalubhasa sa edukasyong Islamiko sa wikang Ingles. Dahil bihirang gamitin sa pagsusulat ang wikang Rohingya at kakaunti lamang ang marunong magbasa nito, nagpasya ang grupo na magsimula muna sa isang pasalitang pagsasalin ng Quran sa wikang Rohingya bago bumuo ng nakasulat na bersyon.
Kaya nagsimula ang grupo sa paggawa ng awdiyo at bidyo na mga materyales. Ginamit nila ang ilang mga komentaryo at salin ng Quran sa Ingles, Urdu, Bengali, at Burmese na inilathala ng King Fahd Congregation sa Medina. May sangay din ang Dakwah Corner Bookstore sa Mecca, na alin dahilan kung bakit pinili nila ang mga sangguniang ito.
Nagsimula ang paggawa ng pasalitang salin ng Quran noong unang bahagi ng 2021 at natapos noong Agosto 2023. Maaaring pumili ang mga gumagamit mula sa mga propesyonal na awdiyo at bidyo na file na pinagsasama ang pagbasa ng Arabik Quran at ang pasalitang salin nito sa wikang Rohingya.
Ginamit ng grupo ang pagbasa ni Muhammad Ayub, isang iskolar ng relihiyon na ipinanganak sa Mekka mula sa mga magulang na Rohingya na taong takas at kalaunan ay naging imam ng Masjid al-Nabawi sa Medina. Layunin nilang mapanatili ang koneksyon sa komunidad ng Rohingya kahit sa mismong pagbasa. Si Qutb Shah mismo ang bumasa ng salin, sino siya ring orihinal na tagasalin. Ang mga awdiyo at bidyo file ay makukuha sa Rohingya Quran app para sa iOS at Android, gayundin sa website ng proyekto (https://rohingyaquran.com), YouTube, at iba’t ibang panlipunang midya na plataporma.
Pagsasalin ng Quran, Isang Paraan Upang Buhayin ang Wikang Rohingya
Batay sa pasalitang salin, kasalukuyang ginagawa ang isang nakasulat na bersyon gamit ang Hanif iskrip, na sa ngayon ay sumasaklaw sa unang limang Surah. Ibinahagi ng grupo na humarap sila sa maraming mga hamon sa pagpapatupad ng proyekto, at ang una rito ay ang kasaysayan ng pang-aapi sa wikang Rohingya.
Kanilang isinulat: “Bagama’t umunlad ang sistema ng pagsulat noong huling bahagi ng dekada 1970, unti-unti itong nawala sa paggamit dahil sa sistematikong pagpatay ng lahi laban sa mga nagsasalita nito. Dahil dito, halos walang anumang panitikan o intelektwal na akda sa wikang ito, at ito’y naging halos isang wikang walang buhay.”
Ginagamit na lamang ang wika para sa pang-araw-araw na pangangailangan. Ipinagbawal ang pagsusulat nito sa kanilang lupang tinubuan, at yaong mga nasa pagkatapon ay nagsumikap na mabuhay at naapektuhan ng mga lokal na wika. Maraming mga idyoma ang naglaho, habang marami naman ang napalitan ng mga hango sa ibang wika.
