Ayon sa ulat na inilathala ng mga Pinuno ng Al Arabiya, sa paglipas ng mga siglo, ang mga manuskrito sa wikang Arabik ay nailipat sa iba’t ibang mga bahagi ng mundo sa iba’t ibang mga paraan, hanggang sa dumating sa puntong halos walang aklatan sa pangunahing mga lungsod ng mundo na walang bahagi ng kayamanang pamana ng Arabik. Sa ganitong paraan, naipalaganap ng mga manuskritong ito ang napakalawak na kaalaman sa iba’t ibang mga wika sa kakaibang paraan.
Ang Italya, kagaya ng iba pang mga bansang Kanluranin, ay nakatanggap ng malaking bahagi ng yamang ito. Ang unang pagtitipon ng mga manuskritong Silanganin ay ginawa noong Konseho ng Florence noong 1441 sa pamamagitan ng Aklatan ng Vatikan sa Roma. Ang mga relihiyosong manuskritong ito ay dinala ng mga klerikong Silanganin mula Alexandria at Jerusalem al-Quds upang dumalo sa mga pagpupulong ng konseho.
Pagkatapos, sa pagbubukas ng Medici Publishing House sa Florence (1584), nadagdagan ang mga manuskrito. Ayon sa may-akda ng librong The Path of Letters (2012), ang unang mga manuskrito na nakuha ng palimbagang ito ay mga donasyon mula kay Patriarkang Syriac Athanasius Nematullah (namatay noong 1587) na tumatalakay sa mga hiwaga ng uniberso, astronomiya, at astrolohiya.
Mga Manuskrito mula Yaman
Tinatayang nasa 3,300 ang bilang ng mga manuskrito mula Yaman sa Italya. Malaki ang naging papel ni Giuseppe Caprotti sa paglilipat ng mga manuskritong Taga-Yaman patungong Italya.
Isinulat ni Valentina Rossi sa kanyang aklat na Italian Manuscripts na dumating si Caprotti sa lungsod ng Al-Hodeidah sa Yaman noong 1885 at pagkatapos ay nanirahan sa Sana’a. Tumira siya doon nang halos tatlong mga dekada at sa panahong iyon ay nangolekta siya ng maraming manuskritong Taga-Yaman at palihim na ipinadala ang mga ito sa Milan, Italya. Ang kargamento ay binubuo ng halos 60 na mga kahon na naglalaman ng mga manuskrito, na umabot ng higit sa 1,800 mga tomo.
Pagsapit ng 1909, 1,610 na mga manuskritong Arabik mula sa koleksyon ni Caprotti ang nailipat sa Aklatan ng Ambrosiana sa Milan, at noong 1914, karagdagan pang 250 na mga manuskrito mula sa koleksyong ito ang nailipat sa aklatan sa pamamagitan ni Senador Luca Beltrami. Sa gayon, naglaman ang Aklatan ng Ambrosiana ng 2,040 na mga manuskrito, karamihan ay nagmula sa katimugang bahagi ng Arabian Peninsula.
Ang Aklatan ng Vatikan
Isa ang Aklatan ng Vatikan sa pinakanakamamangha at pinakamahahalagang kayamanan ng kaalaman ng tao; isang lugar na hindi bukas sa publiko, ngunit ang kahalagahang pangkultura at pangkasaysayan nito ay lampas sa imahinasyon. Isang marangyang gusali na may libu-libong mga manuskrito, makasaysayang mga dokumento, at mahahalagang aklat, na ang ilan ay nagmula pa libu-libong mga taon na ang nakalipas.
Itinatag opisyal ang Aklatan ng Vatikan, na kilala rin bilang VAT, noong 1475. Naglalaman ito ng humigit-kumulang 75,000 na mga manuskrito at 85,000 na mga kopya ng unang mga nalimbag na akda, ibig sabihin, mga aklat na nalimbag mula noong naimbento ang industriya ng paglilimbag noong kalagitnaan ng ika-15 hanggang ika-16 na mga siglo, at may higit sa isang milyong mga aklat.
Naglalaman ang aklatan ng 2,217 na mga manuskritong Arabik, hindi kabilang ang Kristiyanong mga manuskritong Arabik.
Aklatan ng Ambrosiana
Ang aklatang ito ay nasa Milan, Italya at pumapangalawa lamang sa Aklatan ng Vatikan sa dami ng mga manuskritong Arabik, na may kabuuang 2,040.
Aklatan ng Unibersidad ng Linz
Ang Aklatan ng Linz sa Roma ay naglalaman ng kayamanang puno ng natatanging mga manuskritong Arabik, na ayon sa katalogo, ay binubuo ng 82 mga manuskritong Arabik. Dagdag pa rito, 75 bagong mga manuskrito ang kamakailang idinagdag sa aklatan, kung saan 63 ay mula Yaman.
Mga Manuskrito ng Quran sa Aklatan ng Vatikan
Bagama’t Kristiyano ang Aklatan ng Vatikan, may natatanging lugar dito ang pamana ng Islam. Kabilang sa pamana nito, maraming mga manuskrito ng Quran ang nakatago rito, ngunit karamihan sa mga ito ay bahagi lamang ng Quran at hindi ang buong aklat mula Surah Al-Fatiha hanggang Surah An-Nas.
Ang mga manuskrito ng Banal na Quran sa Aklatan ng Vatikan ay itinuturing na natatangi at bihirang mga aklat, at umaabot sa 144 na mga kopya sa iba’t ibang mga tomo. Samantalang sa ibang aklatan sa Roma, ang bilang ng manuskritong Quran ay 71 na mga kopya lamang.
Mga manuskrito ng Quran mula Morocco, sub-Saharan Aprika, Silangang Arabia, Imperyong Ottoman, Iran, at India ang nakarating sa aklatang ito, kung saan pinakamahalaga ang mga nagmula sa Morokko. Ang katangian ng mga manuskritong Morokkano ay marangya ang pagkakagawa, mahusay na pagkakakopya, at karamihan ay nakasulat sa papel. Mayroong isang koleksyong Morokkano na nakasulat sa papel na nagmula pa noong 1488, na nakuha mula sa Malaking Moske ng Zeitouna sa Tunisia. Kilala ito sa laki at mataas na kalidad.
Kabilang sa mga manuskritong ito ang isang kopya ng Quran na namumukod-tangi dahil sa unang dalawang mga pahina nito na naglalaman ng magagandang palamuti at mga disenyo.
Ang Quran na ito ay nakasulat sa iskrip na Naskh, ngunit hindi kilala ang sumulat at ang panahon ng pagkopya.
Ang ikalawang koleksyon ng mga manuskrito ay kinabibilangan ng mga Quran mula sa panahon ng Ottoman, na umaabot sa 157 na mga kopya sa mga aklatan sa Roma. Ang koleksyong ito ay bumubuo ng malaking bahagi ng mga manuskrito ng Quran, at ang pangunahing katangian nito na naiiba sa iba ay itinuturing itong espesyal at katamtamang-laking mga Quran.
Isang ikatlong koleksyon ng mga manuskrito mula sa iba’t ibang mga pinagmulan ang nailipat sa mga aklatan ng Roma. Kabilang dito: 12 na nmga manuskrito mula sa mga bansang Silanganin, 12 mula sa Iran, 4 mula sa sub-Saharan Aprika na nakasulat sa iskrip na Morokkano. Mayroon ding isang manuskrito ng Quran sa koleksyon ng Vatikan na nakasulat gamit ang mga titik Hebreo.
Ang manuskritong ito ay pagmamay-ari ni Giovanni Pico della Mirandola at nagmula pa noong unang bahagi ng ika-15 siglo.
Iba pang mga Manuskrito sa Aklatan ng Vatikan
Propetang mga Hadith: Ang aklat na ito ay isang manuskritong Andalusiano na naglalaman ng koleksyon ng mga Hadith ng Propeta at tila nagsilbing aklat-aralin. Nakasulat din sa pahina ng pamagat na ang aklat ay inialay sa paaralan ng Granada (sa Espanya).
Al-Anwar al-Muhammadiyah: Ang manuskritong ito ay kay Abu al-Hasan Abdullah al-Bakri, ngunit hindi kilala ang sumulat at kung kailan at saan ito kinopya.
Jawaher al-Quran wa Durarah: Ang manuskritong ito ay kay Abu Hamid al-Ghazali, ngunit hindi binanggit ng tagakopya ng aklat ang kanyang pangalan at kung kailan at saan ito kinopya.
Al-Kafi fi al-Fiqh: Ang aklat na ito ay isinulat ni Abu Omar bin Abdullah bin Muhammad bin Abdulbar al-Numiri, na alin tumatalakay sa batas Islamiko ng paaralan ni Malik bin Anas, isa sa mga imam ng Sunni, at may ilang mga kabanata, kabilang ang: aklat ng pagdasal, aklat ng paglilinis, aklat ng zakat, atbp.
Sa dulo ng aklat na ito, nakasulat: “Ang aklat na Al-Kafi ay naisulat, sa tulong ng Diyos, sa unang sampung mga araw ng buwan ng Sha’ban, 849 AH, sa pamamagitan ng kamay ng isang alipin na nangangailangan ng awa ng Diyos, si Abu al-Khalil Ibrahim al-Qalbi, ang tagapagturo ng Dakilang Moske ng lungsod ng Tarazuna (sa Espanya).”
Mga Kuwento ng mga Propeta: Ang manuskritong ito ay may 5 mga kabanata at naglalaman ng mga kuwento ng buhay ng mga propeta, simula kay Propeta Isma’il (AS) at ng kanyang mga anak, hanggang sa kuwento ng buhay ni Propeta Muhammad (SKNK) at ang pagbanggit ng kanyang pangalan sa Torah at sa mga aklat ng mga propeta (AS).