
Sa isang panayam sa Al Jazeera Net, nagbabala si Dr. Noura Bouhannache, isang pilosopo at propesor ng pilosopiyang moral sa Unibersidad ng Constantine, na ang mabilis at “sapilitang modernisasyon” ay nagbago sa pamilyang Muslim at nagpahina sa espirituwal nitong pundasyon.
Ipinunto ni Bouhannache na maraming mga lipunang Muslim ngayon ang ginagaya ang Kanluraning modelo ng pamilya “na may panlabas na anyong relihiyoso” ngunit wala ang moral at espirituwal nitong diwa. “Nasasaksihan natin ang isang bersiyon ng pamilyang Kanluranin na binihisan ng relihiyon ngunit walang laman ang tunay na kahulugan,” sabi niya.
Inilalagay niya ang makabagong mga talakayan tungkol sa kababaihan sa mas malawak na kasaysayan ng intelektuwal na pag-iisip. Ang kaisipang peminista, paliwanag niya, ay lumitaw bilang tugon sa mga interpretasyong Kristiyano at Aristoteliano na inilalarawan ang kababaihan bilang mababa.
Gaya ng isinulat ni Simone de Beauvoir, “Ang isa ay hindi ipinapanganak, bagkus ay nagiging isang babae.” Ang ideyang ito, sabi niya, ang nagtulak sa mga kababaihang Kanluranin na talikuran ang tradisyunal na gampaning tulad ng pagiging ina at asawa, at pumasok sa pampublikong larangan “sa isang panig lamang na pakikipagsagupa sa kalalakihan.”
Ang makabagong radikal na mga kilusang peminista, dagdag niya, ay lumalampas pa at sinasabing ang pagkakaiba ng kasarian ay likha
lamang ng lipunan at hindi nakaugat sa kalikasan—isang ideyang lalo pang nagpapalalim ng alitan sa halip na magtaguyod ng pagkakaisa.
Ayon pa sa kanya, ipinapakita ng mga iskolar katulad ni Abdelwahab El-Messiri na ang peminismo ay sumasalamin sa mas malalim na paglayo ng Kanluran mula sa nakahihigit na moral at relihiyosong mga balangkas, na humahantong sa “isang nakatagong ganap na materyalismo.”
Binibigyang-diin ni Bouhannache na ang etika ay likas, at pinalalakas at itinatampok naman ito ng relihiyon. Ang pananampalataya, sabi niya, ay nagbibigay ng metapisikal na pundasyon na nagbibigay-kahulugan sa moral na pagkilos at nagbibigay ng praktikal na patnubay sa pamamagitan ng Quran at Sunnah.
Ang pagbagsak ng moralidad sa maraming modernong mga lipunan, paliwanag niya, ay nagmumula sa pagkawala ng dalawang ito. Binalaan niya na maraming mga Muslim ang nabubuhay sa isang “baluktot na sekularismo,” na pinaghiwalay ang mga ritwal ng panrelihiyon mula sa wastong pag-uugali at pinipili ginagamit ang relihiyon para lamang sa pansariling kapakinabangan.
Ito, ayon sa kanya, ay nagbubunga ng “palsong pagiging relihiyoso” at nagpapalakas ng ekstremismo dahil sa pagkaputol ng ugnayan sa
pagitan ng pananampalataya at mabuting asal.
Tungkol naman sa kababaihan, sinabi ni Bouhannache na sila ay nakararanas ng dominasyon ng kalalakihan ngunit madalas na naghahanap ng paglaya sa Kanluraning diskursong peminista, na maaaring magbunsod sa pag-usbong ng “Islamikong peminismo.”
Ngunit iginiit niya na ang pagsisikap na pagsamahin ang Kanluraning mga prinsipyo ng peminismo at ang Islamikong teksto ay lumilikha ng mga kontradiksiyon at nagpapahina sa pamilya.
“Ang tunay nating krisis ay ang krisis sa paghubog ng tao,” diniin niya.
Kung walang matatag na mga halaga, sabi niya, ang teknolohiya—lalo na ang artipisyal na katalinuhan (artificial intelligence)—ay maaaring magpalalim ng pagkakahiwalay sa loob ng mga pamilya.
Ang kalutasan, giit niya, ay ang muling pagbubuo ng pagkatao sa pamamagitan ng isang matibay na sistemang moral na nagbibigay-daan sa lipunan na magamit ang teknolohiya nang may karunungan sa halip na malamon nito.